ISANG 100-year-old na lola sa Oklahoma, U.S.A. ang nagdiwang ng kanyang “25th birthday” dahil isa siyang “Leapling” o pinanganak ng leap year.
Noong Pebrero 29, kinilala si Mary Forsythe bilang bagong miyembro ng Centenarians of Oklahoma dahil sa kanyang edad na 100. Pero dahil ipinanganak siya ng leap year, ito pa lamang ang kanyang ika-25 pagdiriwang ng kaarawan.
Ipinanganak si Forsythe noong February 29, 1924. Ayon kay Forsythe, noong bata pa siya ay hindi niya maintindihan kung bakit mas madalas na wala sa kalendaryo ang kanyang kaarawan.
Pero sa kalaunan, mas nagustuhan na rin niya na isa siyang “leapling” dahil may dahilan siya para magkaroon ng dalawang birthday party, tuwing Pebrero 28 at Marso 1. Para sa kanya, nakita niya ito bilang blessing dahil may choice siya kung kailan niya ipagdiriwang ang kanyang birthday.
Dumalo sa birthday celebration ni Forsythe ang dalawa niyang anak, limang apo at 11 apo sa tuhod.