Isang mag-asawa sa Maryland, U.S.A. ang nakapagtala ng bagong world record dahil nakadalo sila sa 135 concerts sa loob ng isang taon.
Kinumpirma ng Guinness World Records na sina Tijan at Matthew Brown ang bagong record holder ng titulong “Most Concerts Attended in One Year (Team of Two)”.
Ayon sa mag-asawa, nasa ika-20th concert sila noon nang maisip nila kung pasok ba sa Guinness ang panonood nila nang maraming concert.
Nang malaman nila na may ganitong klaseng kategorya ang Guinness, naisipan nilang magpadala ng application at lalo pa nilang dinamihan ang mga concert na kanilang dinaluhan.
Sa panayam sa mag-asawa, napag-alaman na gumastos sila ng $18,407.24 (katumbas ng P1,029,000) sa concert tickets. Walang panghihinayang ang mag-asawa dahil kikitain din naman nila muli ang mga nagastos. Naniniwala rin sila na walang katumbas na pera ang masasayang alaala nila habang nasa concert.
Ilan sa mga concert na pinanood ng mag-asawang Brown ay kina Beyonce, Lizzo, Pitbull, Sam Smith, Billy Joel at Stevie Nicks.
Ngayong, 2024 lalong naengganyo ang mag-asawa na umattend ng concert at wala silang planong makuha ng iba ang kanilang world record title.