ANG karanasan kong ito ay nangyari noong 1990 nang ako ay ga-graduate sa public high school sa aming probinsiya.
Excited ako sa aming graduation dahil ako ang valedictorian. Magsasalita ako sa stage. Tiyak na magpapabalik-balik ako at ang aking nanay sa pag-akyat sa stage dahil marami akong tatanggaping awards. Ang tatay ko ay nasa Saudi kaya ang nanay ko lamang ang dumadalo sa lahat ng events sa school na kailangan ang magulang.
Ang graduation ay karaniwang ginagawa sa hapon sa gymnasium ng aming paaralan. Marami rin kaming ga-graduates dahil dalawa lamang ang eskuwelahan ng high school sa amin—ang isa ay private. Mas marami sa public school na aking pinag-aaralan.
Isang buwan bago ang graduation ay natahi na ang isusuot kong white long sleeves at dark pants. Ang kulang na lamang ay black shoes na galing Saudi. Pinangako ni Tatay na siya ang bibili ng sapatos. Maganda raw ang sapatos doon.
Isang linggo bago ang graduation ay dumating ang sapatos. Pinadala sa isang kasamahan sa trabaho na nagbakasyon. Isinukat ko. Kasyang-kasya. Inilakad-lakad ko para mapraktis ang aking paa. Ilang beses ko pang isinukat ang sapatos bago sumapit ang graduation.
Araw ng graduation. Excited ang lahat. Handang-handa na ako sa pagtatalumpati. Nang tawagin ang aking pangalan masigla akong tumayo at naglakad patungo sa stage. Nang umakyat ako sa stage, naramdaman ko na magaan ang kanang sapatos ko. Yun pala, natanggal ang suwelas nito. Naiwan ang suwelas sa unang baytang ng stage. Nakita iyon nang maraming tao. Ganunman, itinuloy ko pa rin ang pag-akyat kahit hindi pantay ang paglalakad. Nagtalumpati pa rin ako.
Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon.