Maid of Honor (41)

NAGULAT si Bianca sa nahulog na kutsara ni Honorio. Napatingin at nagtatawang nagsalita sa asawa.

“Aba nabibitawan mo na ang kutsara, Honor—tumatanda ka na—ha-ha-ha!’’

“Ano namang kaugna­yan ng pagtanda sa nahulog na kutsara?’’

“Mahina ka nang kumapit.’’

“Hindi kaya—mahigpit pa akong humawak ‘no?’’

Nagtawa si Bianca at saka tinanong si Yana na noon ay pinupunasan ang mga plato at saka maayos na sinasalansan sa cabinet.

“Di ba Yana, signs ng katandaan ang nabibitawang kutsara?’’

Tumigil si Yana sa ginagawa.

“Hindi ko alam Ate. Basta ang alam ko, kapag nahulog ang kutsara, may darating na lalaking bisita.’’

“Talaga?’’

“Sabi po. Kapag tinidor, babae ang darating na bisita.’’

“Naku sino kaya ang magiging bisita natin?’’

“Hindi totoo yun,” sabi naman ni Honor. “Kasabihan lamang yun.’’

Napangiti lang si Bianca.

HINDI pa rin mapakali si Honor. Bakit gusto pa rin niyang makakita ng ebidensiya na si Yana at ang dancer sa KTV ay iisa?

(Itutuloy)

 

Show comments