Arthritis

TAHIMIK na nagninilay-nilay ang isang pari habang nakasakay sa bus. Maya-maya ay may sumakay na isang lalaking mukhang nakainom. Sa tabi lang ni Father may bakante kaya doon naupo ang lalaki. Palibhasa ay nakainom at medyo nahi­hilo, padaskol itong napaupo sa tabi ni Father. Halos mapahampas ang buong katawan ng lalaki sa katawan ng pari.

Lalong nakadama ng inis ang pari nang walang anu-ano ay dumura ito sa sahig ng bus. Napaismid ang pari. Kadiri, sa isip niya. Lihim niyang tinitigan ang katabi na amoy alak. Bukod sa mukha siyang lasenggo, hindi malinis ang suot nitong  damit. Ang collar ng polo ay may bakas pa ng pulang mantsa. Hindi naman dugo pero parang lipstick. Idagdag pa ang nangangalingasaw nitong amoy “putok”.

Binuklat ng lalaki ang dala nitong diyaryo at nagbasa. Sumulyap ang lalaki sa pari at saka nagsalita.

“Father, ano kaya ang dahilan ng arthritis?”

Palibhasa ay nangingibabaw ang inis, ang impresyon niya sa lalaki ang kanyang naisagot. “Mahilig sa alak, babae at marumi sa katawan.”

Napa-aah lamang ang lalaki at tumangu-tango sa sagot ng pari.

Ang pari naman ang nagtanong, “Gaano na katagal ang arthritis mo?”

“Wala akong arthritis. Nabasa ko lang dito sa diyaryo na may arthritis pala ang Pope.”

Show comments