E-motor vehicles, balak na i-regulate

Para nga namang kabute na nagsusulputan sa mga pangunahin pa namang lansangan sa Metro Manila ang mga de-kuryenteng sasakyan,  na ginagamit na bilang pampublikong sasakyan,

Dahil nga dito, balak ng pamahalaan na i-regulate ang paggamit ng mga ito na madalas pa nga eh nakikipagsabayan sa mga pangunahing kalsada o national highway kung saan sila eh ipinagbabawal.

Nagpulong na ang tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA),   kasama ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa mga hakbangin ukol sa mga ito.

Layon ng mga nabanggit na ahensiya na itugma ang mga patakaran, alituntunin at maging ang ipinatutupad na mga ordinansa ng mga lokal na pamahalaan,  para makabuo ng unified o pinag-isang regulasyon.

Kabilang sa pupuntiryahin ay ang mga e- vehicle units, e-tricycles, e-bikes, e-pedicables, e-scooters, push carts, at  kuliglig na sa maraming pagkakataon ay nagsasanhi sa masikip na daloy ng trapiko, at dahil karamihan eh pasaway nagdadala pa ito ng panganib sa mga lansangan.

Mistulang walang kalaban-laban ang mga sakay at pasahero nito dahil sa hindi naman rehistrado ang ganitong uri ng mga sasakyan.

Isipin pang maging ang mga nagmamaneho nito eh walang lisensya.

Kung nag-ooperate ang mga ito na katulad ng sa pampublikong mga sasakyan, aba’y dapat nga naman na maipatupad din sa mga nagdadala nito ang mga patakaran sa mga driver ng PUVs.

Kasi nga kahit harapan na ang mga paglabag hindi naman sila maiisyuhan ng mga traffic violation ticket dahil nga sa wala silang lisensiya. Hindi rin masisingil ng multa ang may-ari ng behikulo dahil hindi naman sila rehistrado.

Ayon pa nga sa mga kinauukulan, kadalasang nagmamaneho o nagdadala ng ganitong mga sasakyan eh mga menor de edad na lumalarga pa nga sa mga national highways.

Ang pagdami rin umano ng mga e-vehicles na ito ay nakakaapekto sa modernization program ng pamahalaan sa PUVs.

Nakikipagkumpentensiya pa ang mga ito sa mga lehitimong PUVs sa pagkuha ng mga pasahero.

Sa mga susunod na araw asahan na ang mahigpit na operasyon ng mga kinauukulan laban sa mga ito lalo na nga’t wala naman silang mga prangkisa para makapag-operate bilang isang PUVs.

Show comments