NASA kalagitnaan ang Pilipinas kapag ang pag-uusapan ay ang haba ng buhay ng mga mamamayan. Ang karaniwang haba ng buhay ng mga Pilipino ay 72.30 taong gulang. Ang limang bansang nangunguna sa may pinakamahabang buhay sa buong mundo ay nasa Asya—Hong Kong, 85.83; Macao, 85.51; Japan, 84.95; Singapore, 84.27; at South Korea, 84.14. Ang may pinakamaikling buhay ay mga mamamayan sa Africa, katulad ng Nigeria na ang karaniwang haba ng buhay ay 53.87 taon lamang.
May isang magkakatulad na katangian ang mga mamamayan sa Hong Kong, Macao, Japan, Singapore at Korea—karaniwan ay payat ang mga mamamayan nito, bihira ang mataba. Sa isang survey na ginawa, parami nang parami ang mga Pilipinong mataba o sobra sa timbang. Halos 38.6 porsyento ng mga Pilipino ay natuklasang sobra kaysa dapat ang timbang. Ang tawag dito’y obese.
Ang kinakain sa araw-araw ay may malaking kontribusyon sa haba ng buhay. Ang mga mamamayan sa limang bansang ating nabanggit ay mahilig sa sariwang gulay, seaweed, soya at pagkaing-dagat. Hindi sila mahilig kumain ng karne na tulad ng baboy at baka. Tayong mga Pilipino naman, napakahilig natin sa karne, junk food at mga prinosesong pagkain na tulad ng tosino at longanisa.
Mahilig ding maglakad ang mga mamamayan sa mga bansang nabanggit. Kung sabagay, naiingganya silang maglakad dahil ligtas sa kanilang mga lansangan. Isa sa dahilan kung bakit tamad tayong maglakad ay sapagkat nagkalat ang mga tricycle na naghahatid hanggang sa pintuan ng mga bahay. Masarap maglakad sa mga bansang nabanggit dahil malinis ang hangin. Sa mga siyudad dito sa atin ay napakarumi ng hangin dahil sa polusyon. Ang Metro Manila ang itinuturing na isa sa pinaka-polluted na lugar sa buong mundo, bukod pa sa pinakamatrapik na siyudad sa buong daigdig.
Sa Awit 90:10 ng Bibliya ay ganito ang sabi, “Buhay nami’y umaabot ng pitumpung taong singkad, minsan nama’y walumpu, kung kami’y malakas.” Nakaabot naman tayo sa 70, pero hindi sa 80 dahil hindi tayo malakas na katulad ng mga mamamayan sa limang bansa sa Asya.
Kung nais nating magkaroon ng Bagong Pilipinas na tulad ng pangarap ni Presidente BBM, hindi lamang ang ekonomiya ng bansa ang dapat palakasin, dapat ding palakasin ang kalusugan ng mga mamamayang Pilipino.
Kailangan tayong magbago ng kinakain, talikuran ang junk food at bumalik sa karaniwang kinakain ng ating mga ninuno—sariwang gulay, isda, at pagkaing-dagat, Hindi uso noon ang hamburger at softdrinks. Kailangang bumalik tayo sa pagiging payat.
Matuto rin tayong maglakad. Huwag nang sumakay ng tricycle, pero kailangang panatilihin ng gobyerno na ligtas ang ating mga lansangan. Kailangang maging malinis ang nilalanghap nating hangin. Kung bakit polluted ang ating kapaligiran ay kagagawan din natin. Wala tayong malasakit sa kalikasan. Ang gobyerno naman, hindi totohanang pinatutupad ang Clean Air Act, pinahihintulutan pa ring makatakbo ang mga sasakyang nagbubuga ng napakaitim na usok.
Para umabot tayo sa edad 80 pataas na tulad ng mga mamamayan sa Hong Kong, Macao, Japan, Singapore, at South Korea, kumain ng gulay kaysa karne, maglakad kaysa sumakay, pangalagaan kaysa abusuhin ang kapaligiran. Pero siyempre, hindi lamang haba ng buhay ang ating puntirya, kundi maging kalidad ng buhay, ‘yon bang 80 na’y kapaki-pakinabang pa!