MAHIGPIT ang kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units na maipatupad ang panghuhuli sa mga pedicab, tricycle at e-trike na patuloy na pumapasada o dumadaan sa mga national highway.
Napakapanganib ng ginagawa ng mga ito, dahil nga sa maraming madudugong insidente na nagaganap sa mga pangunahing lansangan na kinasasangkutan ng mga nabanggit na sasakyan.
Ilang mga lokal na pamahalaan ang agad na kumilos sa naturang kautusan ni DILG Secretary Benhur Abalos.
Alinsunod ito sa memorandum circular ng Land Transportation Office (LTO) na sinimulan pa noong nakaraang 2020.
Yun nga lang tila hindi naipaimplenta nang maayos kaya ayun, naganap ang maraming trahedya.
Ngayon nakikita ang pagtaas ng mga aksidente, kaya ipinag-utos ang mahigpit na pagpapatupad dito.
Napakalaking panganib naman kasi ang sinusuong ng mga tricycle, e-trike at pedicab na ito na nakikisabayan sa mga nagbibilisan at malalaking sasakyan sa national highway.
Nalalagay sa matinding panganib lalo na ang mga sakay o kanilang mga pasahero.
Pero talagang marami ang pasaway na lumalabag at marami rin naman na mga enforcers ang chill lang na kahit nakikita na ang mga ito, parang wala lang at hindi masita o masaway.
Dahil dito, dapat umanong maging mahigpit na ang mga LGUs at ang mga pulis sa kanilang mga lugar na maipatupad ang ban.
Ang siste pa ng ilan, bawal na nga sila sa mga national highways , aba’y ang lalakas pa ng loob na mag-u turn na lubhang lalong napakapanganib.
Huwag nang hintaying may maganap na mas matinding trahedya sa lansangan bago kumilos o mahigpit na ipatupad ang kautusan.
Babantayan natin yan.