Dear Attorney,
Kapag nag-AWOL po ba ang empleyado ay kailangan pa magpadala ng employer ng notice bago siya tuluyang tanggalin sa trabaho?—Rein
Dear Rein,
Ang term na “AWOL” o absence without leave ay hindi kaagad nangangahulugan ng kanyang pag-abandona sa trabaho na maaring dahilan para sa kanyang pagkakatanggal.
Masasabi lang kasing inabandona na ng empleyado ang kanyang trabaho kung hindi siya sumisipot sa trabaho ng walang sapat o makatwirang rason at nagpapahiwatig siya ng intensyon na tapusin na ang ugnayan niya sa kanyang employer (RBC Cable Master System and/or Cinense v. Baluyot, [596 Phil. 729, 739-740 (2009)].
Kaya upang masigurado na ayon sa batas ang pagtanggal sa empleyadong hindi na sumisipot sa trabaho at para makaiwas ang employer sa reklamo, ang pinakamainam na gawin sa mga nag-a-AWOL na empleyado ay ang padalhan sila ng notice to explain sa huli nilang address upang sila ay magkaroon ng pagkakataon na ipaliwanag ang pagliban nila sa trabaho ng walang paalam.
Sa pamamagitan ng kanilang magiging tugon sa notice to explain, kung sila man ay tutugon, ay malalaman ng employer ang intensyon ng empleyado ukol sa kanyang trabaho at kung ano ang kaukulang aksyon na maaring gawin.
Kabilang na rito ang posibleng pagtanggal sa kanila sa trabaho kung hindi sumagot ang empleyado sa ipinadalang notice sa kanya o kung sakaling siya ay tumugon man, lumabas na may malinaw na kagustuhan ang empleyado na tapusin na ang kanyang ugnayan sa kanyang employer.