EDITORYAL - Walang tigil na pagbaha’t landslides

PATULOY ang pag-ulan sa Davao de Oro. Bumaha­ sa mga bayan ng Monkayo at Pantukan. Ang pinaka­delikadong nangyari ay ang pagguho ng bundok sa Monkayo na ikinamatay ng walo katao. Na-videohan ang pagguho ng bundok at sinagasaan ang mga kaba­hayan. Nakatutulig ang sigawan ng mga residente habang mabilis ang pagragasa ng lupa, putik at pato. Hindi malaman ng mga residente ang gagawin sa nang­yaring landslides na naranasan na mula pa noong Enero 18.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Council (NDRRMC), ang apektadong pamilya dulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Davao at Ca­raga ay umabot na sa 529,583 katao. Nananatiling nasa evacuation centers ang mga tao.

Halos mag-iisang buwan na ang nararanasang pag-ulan at pagguho ng lupa sa bundok sa Davao de Oro, partikular sa Monkayo. Nagkaroon ng landslides sa Mt. Diwata at 15 ang namatay. Pawang mga nakatira sa gilid ng bundok ang mga biktima. Pinaniniwalaang ang walang tigil na pag-ulan ag naging dahilan kaya nagkakaroon ng pagguho ng lupa. Masyado nang mara­ming tubig ang naipon sa mga bundok kaya lumambot ang lupa at inagos.

Ang Mt. Diwata ay isa sa mga bundok na pinagkukunan ng ginto kaya maraming gold panners na nag-ooperate sa lugar. Binansagang “gold mountain” ang lugar makaraang madiskubre ang ginto noong 1983. Mula noon, maraming pagguho o landslides ang naganap sa mga bundok doon.

Sa kabila na marami nang trahedya nang pagguho ang nangyari sa nasabing lugar, patuloy pa rin ang paninirahan ng mga tao sa gilid ng mga bundok­. Pinapayagan pa rin sila ng mga lokal na opisyal sa ka­bila na mapanganib sa panahon ng tag-ulan na ma­lambot ang lupa. Paulit-ulit ang trahedya pero walang aral na natututuhan ang mamamayan at local government officials (LGUs). Nagkakaroon lamang nang paghihigpit kapag mayroon nang casualties pero makalipas lamang ang isa o dalawang buwan, balik na naman sa paninirahan sa mga tabing bundok ang mga tao.

Mauulit pa ang mga nangyari sa Davao de Oro hangga’t walang batas na nagbabawal tumira sa prone areas o mga lugar na gumuguho ang lupa sa panahon ng tag-ulan. Noon, nagkaroon na ng panukalang ipag­bawal ang pagtira sa mga gilid ng bundok, pampang ng ilog, sapa at mga estero pero walang nangyari.

Nagkakaroon lamang nang pagkilos kapag may mga namatay na.

Wala rin namang kahandaan ang local government unit sa Davao de Oro para maayudahan ang mga apektadong residente. Sa kasalukuyan, marami ang nangangailangan ng tulong kabilang ang pagkain. Habang marami sa kanila ang hindi malaman ang gagawin, ang mga mambabatas ay nagkukumahog sa pag-amyenda sa Konstitusyon.

Show comments