Naungkat noong nakaraang linggo sa pagdinig sa Kongreso ang purchase booklet na hinihingi sa mga senior citizen para makadiskuwento sila kapag meron silang binibili o kinukuhang serbisyo sa mga botika, supermarket, restawran, grocery, department store, transportasyon, mga pribado at pampublikong tanggapan at iba pang establisimentong negosyo. Napag-usapan na wala namang silbi ito kaya dapat nang tanggalin.
Nakapagtataka nga naman na bakit kailangan pang magpakita ng booklet para makakuha ng kaukulang diskuwento ang mga senior citizen gayong meron na silang identification card na nagpapatunay sa kanilang edad. Hindi sila bebentahan ng gamot halimbawa kung wala silang maipakikitang booklet na ito kahit meron silang dalang reseta at ID. Sabi nga ng ilang mambabatas, parang wala ritong tiwala sa mga senior citizen na maaaring inaakalang nangloloko sa mga negosyo.
Sa unang tingin, tila maliit lang na usapin ang hinggil sa purchase booklet na ito pero, kung magkakaroon marahil ng kaukulang pag-aaral, hindi nakakapagtaka kung lilitaw na nagiging pasanin lang ito sa mga senior citizen. Kasi, kung hindi ito nagiging malaking problema, hindi naman ito mauungkat sa Kongreso o sa ibang forum o plataporma. May mga pagkakataon na nakakalimutan nilang magdala ng booklet na kailangan para makakuha sila ng diskuwento.
Karaniwang laman ng purchase booklet ang produkto o serbisyong binili, halaga ng mga binili, petsa at bilang ng transaksyon. May pagkakataong itinatala din dito ang pangalan ng duktor na nagreseta kapag gamot ang binibili.
Pero may mga botika naman na sapat na sa kanila ang reseta at ID ng senior citizen para bentahan ang mga ito ng gamot. Tinitignan na lang nila ang reseta na kanilang sinusulatan kung ilan na ang nabili ng senior na kustomer. ID na lang din ang hinihingi sa ilang mga convenience store, restawran at hotel at maging sa mga sinehan. Hindi na nila hinahanapan ng purchase booklet ang senior na tumatangkilik sa kanilang serbisyo.
Ang mga banko nga halimbawa ay nagbibigay ng prayoridad sa mga senior citizen kahit wala na silang maipakitang ID at booklet. Ang mga ospital at doktor ay nagbibigay ng diskuwento sa mga pasyente nilang senior citizen kahit walang maipakitang booklet ang mga ito. Sapat na sa kanila ang senior citizens ID. Wala ring hinihinging purchase booklet ang LRT, MRT, mga tren at pampasaherng bus at taxi. Sapat na sa kanila ang ID ng seniors.
Dito pa lang ay makikita nang puwede naman palang wala nang purchase booklet dahil hindi lahat ng mga establisimento o tanggapan ay naghahanap nito sa mga matatandang gustong makadiskuwento sa kanilang mga serbisyo o produkto. Kung ganito rin lang ang sitwasyon, para saan pa nga ba ang purchase booklet na ito?
Bukod dito, wala namang ahensiya o tanggapan na sumusuri sa mga nilalaman ng mga booklet na ito na nananatili lang hawak ng mga senior citizen. Merong supermarkets at groceries na nagtatakda ng limitasyon sa mga produktong maaaring bilhin ng senior citizen kaya marahil hinihingi nila ang booklet para makita ang mga transaksyong nilalaman nito pero wala naman silang ginagawang kopya nito para sa sarili nilang reference.
Wala namang gastusin sa naturang mga booklet ang mga senior citizen. Karaniwang ibinibigay ito nang libre sa kanila ng mga pamahalaang lokal na siya ring nagpapalabas ng mga senior citizen ID. Pero gumagastos din ang pamahalaan sa pagpapagawa at pagpapaimpremta ng mga ito kaya malaki rin ang matitipid sa kabangbayan kung ihihinto na ang pagpapalabas nito bilang rekisitos sa pagbibigay ng diskuwento sa mga senior citizen.
••••••
Email: rmb2012x@gmail.com