^

Punto Mo

Humanda sa giyera ng buhay

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY matandang salawikain ang mga Africano, “Kapag naglaban-laban ang mga higante, ang maliliit ang nagdurusa.” Sa ngayon, may dalawang higanteng pamilya sa larangan ng pulitika ang naglalaban-laban, ang pamilyang Marcos at Duterte. Sa isang prayer rally na ginanap sa Davao City bilang protesta sa inilulunsad na People’s Initiative para magsulong ng mga pagbabago sa Konstitusyon, sinabi ni dating Presidente Duterte na si Presidente BBM ay isang drug addict, isang bangag na nasa PDEA narcolist. Ang prayer rally ay nauwi sa insultuhan at bantaan.

Sa panayam naman ng media, sinabi ni Presidente BBM na ang pinagsasabi ni Presidente Duterte ay bunga lang ng pag-inom nito ng fentanyl, isang pain killer. Pinagbantaan ng dating Presidente ang kasalukuyang Presidente na kung hindi ito magbabago, maaaring matulad ito sa kapalaran ng ama na napatalsik sa kapangyarihan sa pamamagitan ng People’s Power Revolution o maaaring sa pamamagitan ng asasinasyon o pag-aalsa ng militar. Nauna rito, nanawagan ang isa pang Duterte, si Baste na mayor ng Davao City, na magbitiw na sa tungkulin si BBM, sapagkat tamad ito at walang malasakit sa mga tao.

Ayon sa mga kilalang political analysts, ito ang unang pagkakataon na ang isang dating presidente ay nagbanta sa isang nakaupong presidente. Ito na yata ang hudyat ng pagkawasak ng “Unity Team” na nagsama-sama noong nakaraang eleksyon sa tiket na Marcos-Duterte. Kampi man tayo kay Marcos o Duterte, ang giyerang ito’y makakaapekto sa karaniwang mamamayan. Tayong lahat ang magdurusa; ang buong Pilipinas ang masusugatan.

Kahit buwan-buwan pang magtungo sa ibang bansa si BBM para ialok sa mga mamumuhunan ang Pilipinas, walang mangyayari kung may ganitong uri ng giyera sa Pilipinas. Pero pwede rin na dahil sa pangyayaring ito’y mapilitan si BBM na magsipag para sa kapakanan ng maliliit na mamamayan. Pwede rin, pero ang tanong, gagawin ba?

Sa talagang giyera, ang unang napapatay ay ‘yong nasa gitna, ‘yong walang kinakampihan. Sa giyerang Marcos-Duterte, sino ang dapat nating kampihan?  Kung ako ang tatanungin, ang sagot ay wala. Kumampi tayo, hindi sa personalidad, kundi sa katotohanan. Napakahalagang saliksikin natin ang katotohanan. Huwag basta paniwalaan ang sinasabi ng isang panig. Huwag basta tanggaping totoo ang nababasa sa social media.

Magtanong sa mga taong may mataas na kredibilidad, manaliksik, mag-usisa. Sabi ni Hesus sa Juan 8:31, “Malalaman natin ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa atin.” Kapag hindi natin inalam ang katotohanan, mananatili tayong alipin ng kasinungalingan.

Tayong maliliit ay wala na bang pupuntahan?  Mayroon! Nakapagpapalakas ng loob ang sinabi ng Bibliya sa 1 Juan 4:4, na ang Diyos na sumasaatin ay mas makapangyarihan kaysa mga higanteng kinakaharap natin. Sina Marcos at Duterte ay kapwa magbibigay-sulit sa Diyos na nakakaalam ng nilalaman ng kanilang puso’t isip.  

Hindi lamang mga higanteng pulitiko ang kinakaharap natin. Ang kabiguan ay higanteng papatay sa lahat ng pag-asa. Ang kahirapan ay higanteng aagaw sa kasiya-siyang buhay na plano ng Diyos sa bawat tao. Ang karamdaman ay higanteng pupuksa sa pagiging kapaki-pakinabang at produktibo.

Harapin natin nang buong talino ang giyerang Marcos-Duterte. Harapin natin nang buong tapang ang iba pang higanteng nagtatakdang magwasak sa isang magandang buhay. Humanda tayo sa araw-araw na giyera ng buhay kung saan lahat tayo’y kalahok. 

BUHAY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with