SUMAKAY si Trina sa taksi. Kapag nag-iisa, sa likuran siya umuupo. Matapos mag-usap kung saan siya ihahatid, wala nang usapang pang namagitan sa drayber at kay Trina. Pero bigla siyang may naalaala na dapat niyang sabihin sa drayber. Sa Sampaloc siya pupunta, Leyte street. Kaso may isa pang street doon na hindi kalayuan na ang pangalan ay Leyte del Sur.
Gusto niyang ipaliwanag kay Manong drayber na doon sila papasok sa Leyte street. Walang del Sur. Iyon lagi ang ikinalilito ng mga taxi driver na nasasakyan niya. Magsasalita na sana siya nang may tumawag kay Manong sa cell phone.
Pagkatapos makipag-usap sa cell phone, para itong nagalit sa kausap kaya naisip ni Trina na palipasin muna ang imbiyerna ni Manong. Nagbilang muna siya sa isip ng one to 60 para eksaktong one minute niyang pinalipas ang bad mood ni Manong. Tahimik na tahimik sa taksi, parang may anghel na dumaan.
Huminga muna nang malalim si Trina, saka marahang kinublit niya ang likod ni Manong gamit ang hintuturo, tapos saka siya magsasalita. Pero hindi pa niya naibubuka ang bibig nang biglang napahiyaw sa sobrang gulat si Manong sabay sabi ng “Susmaryosep…Diyos ko!” Sandaling umekis ang taksi saka biglang itinigil.
“Manong, sorry, hindi ko ho alam na magugulatin ka. Sasabihin ko lang sa iyo na sa Leyte tayo pupunta at hindi sa Leyte del Sur. Halos magkasunod ang kalyeng iyon at baka tayo magkamali ng pasok. Sorry po talaga.”
Humihingal pa ang matanda nang sumagot.
“Pasensiya rin sa iyo Ineng. Alam mo ay isang linggo pa lang ako sa pagmamaneho ng taksi.”
“Ha? Ibig n’yo hong sabihin hindi kayo sanay magmaneho?”
“A, hindi iyon ang ibig kong sabihin. Labinglimang taon akong nagtrabaho sa punerarya bilang drayber ng karo ng patay. Kaya naninibago ako sa aking bagong trabaho. Nang kublitin mo ako, akala ko ay karo ng patay ang minamaneho ko at ang sakay kong bangkay ang kumublit sa aking likod.”