Babae sa Thailand, inaresto matapos isakay ang alagang leon sa kanyang convertible na sasakyan!
INARESTO ng mga pulis sa Pattaya, Thailand ang isang babae matapos nitong ipasyal ang kanyang alagang leon sakay ng convertible car!
Nag-viral at pinag-usapan ng mga Thai netizens ang video at litrato ng isang leon na nakasakay sa isang naka-top down na convertible Bentley. Makikita sa nag-viral na litrato na kaswal na nakaupo sa likuran ng sasakyan ang leon na akala mo’y isang maamong aso.
Matapos mag-viral, inimbestigahan ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng leon at na-trace na nakarehistro ang Bentley sa isang babae na nagngangalang Sawangjit Kosoongnern.
Ayon kay Kosoongnern, nabili niya ang leon sa Nakhom Pathom Province ngunit natuklasan ng mga awtoridad na walang tamang papeles ang pagmamay-ari nito sa leon.
Pinahihintulutan ng Thailand ang kanilang mga private citizens na mag-alaga ng leon ngunit kailangan ng mga kaukulang papeles at dapat ay nakarehistro ito sa gobyerno.
Dahil dito, nahaharap sa isang taong pagkakakulong si Kosoongnern at maaari siyang pagmultahin ng 100,000 baht (katumbas ng P158,000).
Ayon sa mga wildlife officials sa Thailand, nagkakahalaga ng mahigit 500,000 baht (P780,00) ang isang leon. Sa kasalukuyan, 224 na leon ang pagmamay-ari ng private individuals sa Thailand.
- Latest