Dear Attorney,
Limang taon po akong regular employee tapos ay inilagay po kami sa floating status ng limang buwan. Ngayon pong pinapabalik na kami sa trabaho ay pinagsu-submit uli kami ng medical at ng iba pang mga requirements. Kahit same company naman ang binabalikan namin ay back to zero daw uli kami. Tama po ba ‘yun? —Carmi
Dear Carmi,
Hindi puwede ang gustong mangyari ng inyong kompanya na “back to zero” uli ang iyong employment status. Nakasaad sa Article 301 ng Labor Code na sakaling mag-resume ang operasyon ng isang negosyong nagsuspinde ng trabaho (o naglagay sa mga empleyado sa floating status) kailangang ibalik ang empleyado sa dati niyang posisyon at nang hindi nababawasan ang kanyang mga karapatan base sa kanyang seniority.
Dahil ang paglalagay sa floating status ay temporary lamang at hindi hihigit ng anim na buwan, hindi dapat nito maapektuhan ang employment status ng isang regular na empleyado. Lalong-lalo nang hindi maaring ipagpalagay na terminated ang isang empleyadong isinailalim sa nasabing status na willing namang bumalik sa trabaho kapag may back to work order na.
Kaya sa sitwasyon mo ay hindi puwedeng maging “back to zero” ang employment status mo. Maari kang sumunod sa mga gustong ipa-submit ng kompanya katulad ng medical pero hindi to maaring maging kondisyon para ikaw ay ipagpalagay na isang regular employee muli. Kung ikaw kasi ay isang regular na empleyado bago ka isailalim sa floating status, mananatili ka pa ring regular employee ngayong pinapabalik na kayo sa trabaho.
Kung sakaling tratuhin kayo na parang mga aplikante ulit, maari kayong magsampa ng reklamo dahil katumbas ng illegal dismissal ang gustong mangyari ng inyong kompanya.