SA ginawang surbey ng Social Weather Station (SWS) noong Disyembre 2023, 12.6 percent ng mga pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng gutom sa huling tatlong buwan ng 2023. Ayon sa SWS, ang insidente ng pagkagutom ay naranasan sa Mindanao, Metro Manila, Balance Luzon at Visayas.
Ang nararanasang kagutuman ng mga Pilipino na hindi naman nababago sa mga surbey ay nakapagbibigay ng agam-agam. Bakit may mga nagugutom gayung ang laging sinasabi ng pamahalaan ay natutugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan particular na ang mga mahihirap.
Sa Metro Manila at Mindanao ay nananatiling mataas ang bilang ng mga nagugutom o ang mga nagsasabing wala silang makain. Ibig sabihin, nananatili pa rin ang kasalatan nang marami at wala silang maipantustos sa pang-araw-araw na pamumuhay. Marami pa rin ang walang trabaho na tumutugma naman sa resulta ng surbey kamakailan na problema pa rin ang unemployment sa bansa.
At maaaring tama na mataas ang bilang ng mga nakararanas ng gutom sa Metro Manila at Mindanao dahil nga sa kawalan o kakulangan ng trabaho. Kahit nawala na ang bangis ng pandemya, hindi pa rin nakababangon ang ekonomiya kaya walang maipagkaloob na trabaho sa mamamayan.
Madalas ang pagbibiyahe ni President Ferdinand Marcos Jr. sa iba’t ibang bansa. Mula nang umupo sa puwesto noong 2022, nakabiyahe na siya ng 18 beses. Dalawang beses na siyang nakabiyahe sa United States. Sa bawat pagbisita niya sa mga bansa, lagi niyang sinasabi na nakakuha siya ng investment package. Iyon daw ang maganda niyang pasalubong sa mamamayan. Marami raw ang nagnanais magnegosyo sa Pilipinas.
Pero sa kabila na maraming bansa ang nangakong mag-i-invest sa Pilipinas, wala pa ring pagbabago sa ekonomiya ng bansa. Hindi maramdaman ang pag-angat o pag-unlad. Hindi kaya pawang pangako lamang ang ginagawa ng mga bansang dinadalaw ng Presidente?
Marami ang nakararanas ng gutom at kung hindi magkakaroon ng pagkakakitaan ang nakararaming Pilipino, nahaharap sa matinding pagsubok ang bansa. Nararapat na makalikha nang maraming trabaho at magagawa iyan kung ang pagtutuunan ng pamahalaan ay ang pagpapaunlad sa agrikultura na dating hawak ng Presidente.
Habang marami ang nakararanas ng gutom, ang mga mambabatas naman ay nagkukumahog sa pag-amyenda sa Saligang Batas. Unahin muna sana nila ang mga pagkakakitaan para may mailaman sa nag-aalborotong sikmura.