SA China na nga ba ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal? Iyan ang mga katanungang lumalabas ngayon makaraang sawatain ng limang China Coast Guards (CCG) ang mga mangingisdang Pilipino habang kumukuha ng mga kabibi sa nasabing lugar noong nakaraang linggo. Na-videohan ng mga mangingisda ang ginawang pangha-harass ng limang CCG members.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela, hinarang ng CCG na nakasakay sa rubber boat ang mga mangingisda. Hinawakan pa umano ng mga CCG ang bangka ng mga Pinoy fishermen para hindi makaalis.
Ayon sa mangingisdang si Jack Tabat, nilapitan sila ng CCG nang makitang kumukuha ng mga kabibi. Low tide umano noon sa lugar kaya madaling kumuha o mamulot ng mga kabibi na para pang-ulam.
Ayon pa kay Tabat, nang makita ng mga CCG ang mga nakuha nilang kabibi na nasa bangka, inutusan umano sila ng mga ito na ibalik ang mga iyon sa dagat. Hindi umano sila pinaalis hangga’t hindi nila ibinabalik ang mga kabibi. Hinawakan ang kanilang bangka para hindi sila makatakas.
Wala umano silang nagawa kundi sundin ang utos ng CCG para wala nang mangyari pang masama. Matapos nilang ibalik sa dagat ang seashells saka sila hinayaang makaalis. Pero kahit nakaalis na sila, nanatiling nakabantay ang CCG sa lugar at sinisigurong hindi babalik.
Hindi ito ang unang pagkakataon na hinarass ang mga mangigingisda sa Bajo de Masinloc. Noong Disyembre, hinarang ang mga mangingisdang Pinoys ng mga Chinese militia at saka itinaboy. Ang Bajo de Masinloc ay kinaroroonan nang maraming isda. Dahil sa ginawa ng mga Chinese militia, walang naiuwing huli ang mga mangingisda. Wala silang kinita kaya gutom ang inabot nila at pati ang pamilyang umaasa sa kanila. Masamang-masama ang loob nila sapagkat pinagbawalan silang makapangisda sa sariling teritoryo.
Ayon kay Commodore Tarriela, hindi na makatarungan at labag ang ginagawa ng CCG na pagbabawal sa mga mangingisdang Pinoys. Inamin naman ni Tarriela na hindi sila regular na makapagpatrol sa lugar sapagkat kulang sila ng patrol boat. Gayunman, sisikapin nilang mabantayan ang Bajo de Masinloc upang hindi ma-harass ang mga mangingisdang Pinoys.
Marami nang diplomatic protest na naihain sa China. Kahit binabalewala ito ng China, ipagpatuloy ang pagpa-file ng reklamo. Tambakan sila ng protesta at bakasakaling mapansin. Kung hindi pa rin, iboykot na lang ng Pilipinas ang kanilang mga produkto. Sa pamamagitan ng pagboykot, mararamdaman ng China ang hapdi. Baka sa paraang ito sila lubusang mapaaray.