Babalik sa ‘lisensiyang papel’
NAKU po, ang akala ng marami masosolusyunan nang tuluyan ang problema sa plastic cards sa driver’s license at hindi na gagamit ng ‘lisensiyang papel’ katulad noong nakaraang taon.
Pero, hindi pa man tuluyang nasosolusyunan, tila pabalik na naman sa ganitong problema, makaraang aminin mismo ni Land Transportation Office (LTO) chief Vigor Mendoza II na nagkakaubusan na naman sa plastic license cards.
Posibleng tumagal na lamang sa dalawang linggo ang supply nito, ayon pa sa LTO.
Eh hindi nga ba’t ipinagmalaki ng tanggapan noong nakalipas na taon na masosolusyunan na ang backlog sa mga plastic card na lisensiya dahil sa 4 na milyong donasyong plastic license card ng pribadong sektor.
Ngayon iba naman ang nagiging problema kahit na may donasyon.
Kung dati, nagsimula ang ganitong problema dahil sa mga naging kasuhan o hidwaan sa kontrata.
Dumating pa nga sa punto na nagsampa ng reklamo sa korte ang ilang natalong bidder.
Kaya naman natigil ang supply ng plastic card lalo na nang mag-isyu ng temporary restraining order ang QC court ukol dito.
Dumami nang dumami ang hindi naiisyuhan ng plastic card kaya tumaas ang backlog.
Ngayong may nag-donate naman hindi pa rin magamit dahil kailangan pa umanong masuri ng ilang ahensya ng pamahalaan.
Nangangailangan din ito ng proof of concept at security code.
Ang masaklap pa rito, magamit man ang 4 milyong plastic license card na donasyon, kapos pa rin ito sa taong 2024.
Tinataya ng LTO na nasa 12 milyong card ang kakailangan sa taong ito.
Kaya nga humanda na marahil dito ang mga motorista na kukuha ng lisensiya baka bumalik muli ang tanggapan sa pag-iisyu ng sa ‘ lisensiyang papel’.
Nakakalungkot nga lang na hanggang sa ngayon hindi na masolusyunan ang problemang ito sa lisensiya sa kabila na buo ang bayad ng mga motorista pero hindi naibibigay sa kanila ang tamang uri ng lisensya.
- Latest