Kompanya sa China, inilipat sa bundok ang opisina para mapilitang mag-resign ang mga empleyado!
ISANG kompanya sa China ang inaakusahan ng unfair labor practices matapos ilipat sa liblib na bundok ang kanilang opisina para mapilitang mag-resign ang mga empleyado!
Nagulat ang mga empleyado ng isang hindi pinangalanang advertising agency sa Xi’an City, Shanxi Province matapos nitong ianunsiyo na ililipat na sa kabundukan ang kanilang opisina.
Ang bagong lokasyon ng opisina ay sa Qinling Mountains, tatlong oras ang layo mula sa Xi’an City. Bukod sa napakalayo, limitado ang public transportation na maaaring masakyan papunta roon. Kapag walang sariling sasakyan, kakailanganing sumakay ng bus na tatlong beses lamang bumibiyahe sa isang araw. Pagbaba ng bus, kakailanganin pang maglakad ng tatlong kilometro papunta sa opisina.
Sa ilang araw na pag-oopisina ng mga empleyado, nalaman nila na kulang sa basic amenities ang opisina at kakailanganin pang pumunta sa susunod na bayan para makagamit nang maayos na palikuran ang mga babae. Marami ring mababangis na asong gala sa lugar at delikadong maglakad sa gabi.
Hindi nakatagal ang karamihan at nag-resign ang 14 sa 20 nitong mga empleyado. Apat na araw matapos mag-resign ang 14 employees, agad ibinalik ng ad agency ang opisina sa Xi’an City at naghahanap na sila ng bagong empleyado.
Ayon sa isa sa mga empleyado na nag-resign, sinadya na ilipat sa liblib na lugar ang opisina para mag-resign at makatipid sa pagbibigay ng severance pay.
Nag-viral ang pangyayaring ito sa mga Chinese netizens at hinihikayat na magsampa ng kaso ang mga dating empleyado. Sa kasalukuyan, hinihintay pa kung magdedemanda ang mga ito.
- Latest