^

Punto Mo

Matatanda dumarami, kabataan kumokonti?

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MARAMING implikasyon sa hinaharap ang pahayag kamakailan ng Commission on  Population and Development sa tinatayang paglaki ng bilang ng mga senior citizens sa Pilipinas. Dumarami ang matatanda pero kumokonti ang mga bata. Nakakabuti ba ito o nakakasama sa bansa?

Tinataya ng CPD na, pagdating ng taong 2030, maaaring ituring na ng United Nations ang Pilipinas bilang aging population dahil sa inaasahang pagdami ng mga senior citizen. Kumokonti ang populasyon ng mga bata (edad mula 0 hanggang 14-anyos) habang dumarami ang matatanda (mula 15 hanggang 64-anyos) at ang mas matatanda (mula 65-anyos pataas).

Lumilitaw sa datos ng National Commission of Senior Citizens na, hanggang noong ­Hulyo 2023, umaabot sa 2,274,531 ang mga senior citizens na may edad mula 60 hanggang 100 taong-gulang na nakatala sa kanilang rekord.  Ito iyong mga rehistrado pa lang. Batay sa census ng Philippine Statistics Authority noong taong 2020, merong kabuuang 9.22 milyon ang mga senior citizen sa Pilipinas.

Kung susundan ang pamantayan ng UN, nagiging isa nang aging population ang isang bansa kapag ang bilang ng mga senior citizen nito na mula 65 anyos ay umakyat sa mahigit pitong porsiyento.  Hanggang noong 2020, ang mga Pilipino na edad 65 anyos pataas ay bumubuo nang 5.4 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas. Merong mga indikasyon na ang populasyon ng mga senior citizen na Pilipino ay aabot na sa pitong porsiyento pagdating ng taong 2030 dahil sa bumabagal na paglaki ng populasyon ng bansa na umaabot sa ngayon sa mahigit 117 milyon.

Baka nga hindi na malayong mangyari rin sa Pilipinas ang sitwasyon sa ibang mga bansa na merong tinatawag na aging population tulad sa Japan, Korea, China, Canada, Germany, Europe, United Kingdom, United States at iba pa. Sa mga bansang ito, mas malaki ang bilang ng mga seniors o iyong matatandang nagreretiro na sa trabaho.

Kumokonti naman ang mga kabataan na pupuno dapat sa mga nababakanteng trabaho. Isa ito sa mga dahilan kaya kumukuha sila ng mga dayuhang manggagawa tulad ng mga overseas Filipino worker. At marami sa mga OFW natin ay bata pa, may edad na 20 hanggang 30 anyos, kapag  kinukuha ng mga dayuhang employer. Pero, paano nga kung umabot na sa aging population ang Pilipinas?  Kukuha na rin tayo ng manggagawa mula sa ibang bansa?

Wala pang malinaw na estatistika rito pero marami na ring mga Pilipino sa kasalukuyan ang inaantala ang pagkakaroon ng anak. May mga mag-asawa na isa o hanggang tatlo lang ang anak. May mga kabataan na inaabala ang sarili sa pag-aaral o inuuna ang kanilang trabaho o karera, nag-iipon o naghahanda muna para sa kanilang kinabukasan bago mag-asawa at magkaroon ng anak.  Wala pa sa isip nila ang bumuo ng sarili nilang pamilya kahit humigit-kumulang na sa 30 anyos ang kanilang edad.

Kung dumarami ang mga senior citizens sa bansa, ligtas bang sabihin na humahaba ang buhay ng maraming matatandang Pilipino?  Meron na nga rin tayong tinatawag na centenarian o mga kababayan nating Seniors na nasa 100 taon o mahigit pa rito ang edad. Nakapagtala nga ang Department of Social Welfare and Development ng 662 Filipino centenarian sa bansa noong 2022 pero ito iyong mga nakarehistro lang. Nagkakaroon nga ng mga obserbasyon na may mga senior citizen na malakas pa at kaya pang magtrabaho kahit 60 0 65 anyos na sila!

-oooooo-

Email: [email protected] 

MMDA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with