NAKATANGGAP ng Guinness World Record title ang isang pasyalan sa China dahil ito ang tinaguriang pinakamalaking ice and snow theme park sa buong mundo!
Kinumpirma kamakailan ng Guinness World Records na ang Harbin Ice and Snow World ang may hawak ng titulong “Largest Temporary Ice and Snow Theme Park”.
Unang binuksan sa publiko noong 1999, naging taunang atraksyon tuwing winter season sa Heilongjiang ang Harbin Ice and Snow World.
Dinadayo ito ng mga domestic and international tourists na gustong makaranas ng snow at makakita ng ice sculptures. Dahil parami nang parami ang pumupunta dito, taun-taon din ay lumalaki ang lugar na sinasakop ng theme park.
Ang 25th Harbin Ice and Snow World ay kasalukuyang mayroong sukat na 8,790,697.3 square feet o 81 hectares.
Napakalaki ng sukat nito para sa isang temporary attraction at halos doble ang laki nito kung ikukumpara ito sa isang permanenteng theme park tulad ng Hong Kong Disneyland na mayroon lamang 49.9 hectares.
Mayroong 2,000 sculptures dito na gawa sa yelo at snow. Isa sa pinagmamalaki ng theme park ay nakakapagbigay sila ng trabaho sa mahigit 10,000 workers na isang buwan ang ginugugol para makabuo ng ice sculptures.
Nagbukas ang Harbin Ice and Snow World noong Disyembre 18, 2023 at magsasara sa Marso 1, 2024.