“Di ba karaniwang sa agency kumukuha ng katulong?’’ tanong ni Honorio sa asawang si Bianca. Nasa salas sila at nanonood ng TV. Malaki na ang kabuntisan ni Bianca—unang pagbubuntis niya. Nahihirapan na siyang gumawa sa bahay kaya naisipan niyang kumuha ng maid o katulong. Pero kung hindi siya buntis, hindi siya kukuha ng maid. Sanay siyang gumawa na walang katulong.
“Oo sa agency kumukuha ng maid.’’
“Hindi ba delikado—I mean baka makuha natin ay magnanakaw.’’
“Hindi naman siguro. At saka bago tayo kumuha, iba-background check muna. Siyempre may NBI at police clearance yun.’’
“Sana ang makuha natin ay hindi palpak.’’
“Sana nga. Pero gusto ko na talagang makakuha sa lalong madaling panahon dahil nahihirapan na akong kumilos. Isa pa, tinatamad na akong gumising sa umaga.’’
“Napapansin ko nga. Dapat talaga makakuha na tayo ng maid.’’
“Kung hindi tayo makakuha sa agency, mayroon kaya sa probinsiya n’yo sa Mindoro, Honorio?’’
“Naku wala nang makukuhang katulong dun.’’
“Bakit?’’
“E nasa Saudi at Hong Kong na—dun pumapasok na maid.’’
“Ah.’’
“Kaya mahihirapan tayo.’’
“Masarap sana kung kababayan mo para madaling magkaintindihan.’’
“Oo nga sana kaso mahihirapan tayo tiyak.’’
“Puwede rin akong magpahanap sa kumare natin. Alam ko naihanap niya ang isa naming friend.’’
“’Yun naman pala e di sa kumare mo na lang.’’
“Bukas kakausapin ko.’’
MAKALIPAS ang isang linggo, masayang binalita ni Bianca na may nakuha na siyang maid.
“May nakuha na akong maid. Sa isang linggo darating na rito,’’ sabi ni Bianca.
“Talaga? Saan mo nakuha?’’
“Sa isang friend. Paalis na ang pamilya nila patungong Canada at ipinasa sa akin ang maid.’’
(Itutuloy)