EDITORYAL - Sampolan ang agri smugglers

SINABI ni President Ferdinand Marcos sa kanyang SONA noong Hulyo 2023 na tutugisin at parurusahan ang smugglers ng agri products dahil ang mga ito ang nagpapahirap sa mamamayan at sa bansa mismo. Pero pitong buwan na ang nakalilipas mula nang pagbantaan niya ang mga smuggler, wala pang napaparusahan. Wala ni isa mang nasasampolan sa mga ito. Talamak pa rin smuggling ng agri products.

Dahil sa patuloy na pagbaha sa bansa ng smuggled agri products, particular ang gulay, apektado ang ikinabubuhay ng vegetable farmers. Noong nakaraang Disyembre, malungkot ang mga magsasaka ng gulay sa Cordillera dahil halos wala silang kinita sa ani nilang gulay. Bumaha sa mga palengke ang importerd na gulay. Sa halip na ang kanilang aning carrots, repolyo, broccoli at cauliflower ang bilhin, ang mga imported na gulay ang binibili dahil mas mababa ang halaga.

Dahil hindi nabibili ang mga lokal na gulay, nagsobra-sobra kaya napilitang ipamigay na lamang ang mga ito kaysa mabulok. Kabilang sa mga ipinamimigay ang kamatis, carrots at repolyo.

Maski sa Bicol Region ay sobra-sobra rin ang aning repolyo kaya ipinamimigay na rin sa mga tao. Nagkaroon din ng sobra-sobrang ani ng kalabasa sa nasabing rehiyon kaya ipinamimigay na rin ang mga ito kaysa masira lamang. Noong nakaraang taon, maraming kamatis ang itinapon dahil nabulok lamang. Sobra-sobra ang ani ng kamatis at walang magawa ang mga magsasaka kundi itapon.

Nakarating kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel ang reklamo ng magsasaka ng gulay na walang tigil ang pagbaha ng agri products at apektado na ang kanilang kabuhayan. Agad bumuo si Laurel ng committee na magba-blacklist sa mga walang konsensiyang negosyante na lumalabag sa Republic Act 9184 o ang Government Procurement Act of 2002. Sakop ng kautusan ni Laurel ang manufacturers, suppliers, distributors, contractors at consultants sa agriculture sector.

Bigyan din ng ngipin ang Anti-Agricultural Smuggling Act na binuo noong 2016. Layunin ng batas na labanan at masawata ang smuggling ng agricultural products na nananabotahe sa ekonomiya at pumapatay sa mga lokal na magsasaka. Nakasaad sa batas na mapaparusahan nang mabigat ang agricultural smugglers.

Pero pitong taon ang lumipas, wala ni isa mang naparusahang agri smugglers at lalong naging talamak ang pagpasok sa bansa ng agri products. Sampolan ang agri smugglers—ngayon nang 2024. Kaawa-awa ang mga lokal na magsasaka at ang nadadayang gobyerno dahil sa hindi nababayarang tax.

Show comments