SA tuwing matatapos ang taon, ang mga kompanya ay nagsasagawa ng inventory—inaalam ang supply, kung sapat o kulang; kung may dapat nang alisin, ibenta o idonate. May katumbas ang inventory sa mga tahanan, kung tawagin ay decluttering. Ito ang pagtatapon ng mga bagay na hindi na pinakikinabangan upang lumuwag ang bahay, lalo na kung maliit lamang ang bahay.
Uso na ngayon ang minimalist style na hango sa disenyong Japanese na simple, kakaunti ang gamit at mas maraming espasyo. Malaki ang epekto sa isip ng kapaligiran. Kung magulo ang kapaligiran, nagiging magulo rin ang isip. Kung tambak ang gamit, parang mahirap huminga at nakawawala ng kapayapaan.
Kapag ang isang bagay na itinago ay hindi nagamit sa loob ng dalawang taon o ni hindi maalala na meron nito; nangangahulugan na hindi ito kailangan, hindi ito mahalaga. Para magawa ang decluttering, kailangang iwaksi ang sentimental value. Halimbawa, kahit nakatambak na lang sa bodega ang isang gamit ay hindi pa magawang ipamigay dahil ito’y regalo ng ex-girlfriend o ex-boyfriend. Kung tutuusin, hindi dapat nag-uukol ng emosyon sa anumang bagay. Ang damdamin ay inuukol lamang sa kapwa-tao at hindi sa anumang bagay.
Huwag maging mambubulok o mag-ipon ng ukay-ukay. Kung hindi na nagagamit, ipamigay sa iba na nangangailangan nito. Ang resulta nito’y paglaya sa materyalismo na nag-aalis ng kagalakan sa puso ng tao bilang nilikhang kalarawan ng Diyos. Ang tunay na kagalakan ay resulta ng pagiging mapagbigay sa nangangailangan.
Higit na mahalaga kaysa material decluttering ay ang emotional decluttering. Mahalagang maitapon ang mga bagahe at abasto ng nakaraan na nakaukit sa iyong puso’t isip. Ito ang mga hinanakit at sama ng loob dahil sa nagawang kasalanan ng iba. Ikaw ang lugi kapag hindi mo itatapon ang mga ito. Makukulong ka sa sama ng loob na mas delikado sa puso kaysa kolesterol. Ang tanging paraan para makalaya ka rito ay ang pagpapatawad sa mga nagkasala sa iyo.
Hangga’t hindi ka natututong magpatawad, nakokontrol ng taong hindi mo mapatawad ang iyong buhay. Biruin mo, makita mo lang ang taong may sama ka ng loob ay nasisira na ang araw mo at tumataas ang iyong blood pressure!
Sa bagong taong ito, magkasabay na isagawa ang material at emotional decluttering. Kailangang pagpasyahan mo kung ano ang itatago at kung ano naman ang itatapon. Kapag may desisyon ka na, isagawa mo agad ito, sapagkat kapag ipinagpabukas pa ay hindi mo na ito magagawa. Huwag panghinayangan ang anumang itatapon o ipamimigay, sapagkat ito’y makabubuti sa iyo at sa taong pagbibigyan mo. Higit sa lahat, matutuwa sa iyo ang Diyos!
Ang matandang kasabihan na “Bagong Taon, Bagong Buhay” ay mangyayari sa iyo sa pamamagitan ng decluttering. Maaaring ito ang susi sa pagkakaroon ng manigong bagong taon na nangangahulugan ng isang masagana, mapayapa at maswerteng pamumuhay. Ito ang layunin ng Diyos sa bawat tao, tulad ng sinabi ni Hesus sa Juan 10:10, “Naparito ako upang bigyan kayo ng buhay na kasiya-siya.”
Matutupad lamang ang layuning ito ng Diyos kung makikiisa sa Kanyang layunin. Simulan ang proseso sa pamamagitan ng material at emotional decluttering. Ngayon na!