ISANG baker sa United States ang walang tigil na gumawa at maghurno ng iba’t ibang baked goods sa loob ng 55 oras para sa Guinness World Record.
Sinubukan ni Mitchelle Handley ng Texas na mag-bake ng iba’t ibang klase ng tinapay at dessert sa loob ng dalawa’t kalahating araw upang masungkit ang Guinness World Record title na “Longest Baking Marathon by an Individual”.
Naganap ang baking marathon ni Handley sa kanyang tahanan sa Mansfield at kasama niya ang ilan sa miyembro ng Mansfield Police Department bilang kanyang witness at taga-dokumento ng kanyang record attempt.
Nagsimulang mag-bake si Handley noong December 28, 2023 at natapos ang kanyang marathon ng December 30, 2023. Inabot siya ng 55 oras at natalo niya ang previous record na 47 oras ni Alan Fisher.
Nagmula sa Nigeria si Handley at naging immigrant sa U.S. noong 2015 para magtrabaho bilang professional baker.
Sa kasalukuyan, isinumite na ni Handley ang lahat ng pruweba sa Guinness World Records organization.