AYON sa Land Transportation Office (LTO), nasa 24.7 milyong sasakyan ang hindi rehistrado. Sa dami ng mga sasakyan, malaking pera ang nawawala sa pamahalaan taun-taon dahil sa hindi pagrerehistro. Ang lubhang nakatatakot sa mga hindi rehistradong sasakyan ay kapag nasangkot sa aksidente. Dahil hindi nakarehistro, walang insurance ang mga ito. Lubhang kawawa ang mga mabibiktima. Sino ang hahabulin para mapanagot lalo kung may namatay? Paano makikilala ang sasakyang sangkot sa aksidente gayung wala itong papeles?
Sabi ng LTO, kaya raw dumami ang mga hindi nakarehistrong sasakyan ay dahil sa epekto ng pandemya. Nagkaroon nang paghihigpit sa mga tanggapan ng LTO sa buong bansa kaya naapektuhan ang pagre-renew ng registration. Pero ginagawa na umano ng LTO ang lahat para malutas ang problema. Nagpatupad na rin sila ng “No Registration, No Travel” policy.
Ayon sa LTO, nasa 4,864 na mga hindi rehistradong sasakyan ang nahuli sa isang buwang pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy. Sinabi ni LTO chief Asec. Vigor Mendoza II, magsasagawa sila nang maigting at agresibong operasyon sa pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy ngayong 2024 para mahuli lahat ang mga sasakyang hindi rehistrado. Hindi umano titigil ang LTO hangga’t hindi nairerehistro ang 24.7 milyong motor vehicles. Nanawagan din si Mendoza sa mga may-ari ng sasakyan na boluntaryo na itong irehistro para hindi maharap sa kaso.
Paigtingin pang lalo ng LTO ang kanilang kampanya sa mga di-rehistradong sasakyan. Malaking problema kapag nagpatuloy sa pagyaot sa kalsada ang mga sasakyan at masangkot sa aksidente. Malaking perwisyo ang kahahantungan kapag hindi narehistro ang milyong sasakyan. Ngayong sunud-sunod ang mga nagaganap na aksidente, posibleng ang masangkot ay mga delinkuwente.
Pagtuunan din naman ng pansin ng LTO ang mga naglipanang e-bike sa major roads na posibleng pagmulan nang malalagim na aksidente. Ipagbawal ang mga ito sa malalaking lansangan sapagkat maaaring mabangga ng mga malalaking sasakyan.
Dapat ding irehistro ang mga e-bike at huwag hayaang ma-drive ng mga menor-de-edad. Nararapat ding may lisensiya ang mga magmamaneho ng mga ito. Walisin ang e-bike sa mga malalaking kalsada habang maaga pa at walang nadidisgrasya. Huwag nang dagdagan pa ang problema dahil sa mga sasakyang ito.