GULAT na gulat sina Rose at Rene nang biglang pumasok sina Eliz at Gino. Huli sila sa akto na naghahalikan.
Biglang bumitiw si Rose. Hiyang-hiya ito. Namula ang pisngi. Hindi makatingin kina Eliz at Gino.
Si Rene naman ay relaks lang. Nakalarawan sa mukha ang hindi maipaliwanag na kasiyahan.
Nakuha pa nitong magbiro kina Eliz at Gino.
“Malaki ang ipaliliwanag n’yo sa akin. Kayo ang may kasalanan nito. Humanda kayo sa akin!’’
Nakangiti naman sina Eliz at Gino.
“Dahil sa ginawa ninyo, nakita kong muli ang pinakamamahal kong babae. Alam n’yo ba na ako ang pinakamaligayang lalaki ngayon. Kung alam n’yo lang ang nararamdaman ko ngayon—sobrang saya ko!’’
“Nadarama po namin, Sir Rene ang nararamdaman mo ngayon,’’ sabi ni Eliz.
“Tama po si Eliz, Sir Rene,’’ sabi naman ni Gino.
“Paano n’yo naisip ito?’’ nagtatakang tanong ni Rene.
“Si Eliz po ang nakaisip nang lahat—tinulungan ko lang po siya.’’
“Maraming salamat sa inyo. Napakalaki ng utang na loob ko sa inyong dalawa.’’
“Wala pong anuman, Sir Rene. Ang kaligayahan ninyo ni Manang Rose ang aming naisip kaya ginawa ito. Hindi pa huli ang lahat para lumigaya kayo.”
“Napakabuti ninyo. Walang katulad ang ginawa ninyo. Matagal kong dinasal na magkita kami ni Rose at ngayon, nagkatotoo na,’’ sabi ni Rene at binalingan si Rose, “o bakit natahimik ka yata?’’
Ngumiti si Rose.
“Sobrang saya ko kasi, Rene. Tulad mo, matagal din akong nagdasal para magkita tayo—at ngayon, nangyari na. Sobra-sobra ang nadarama kong kaligayahan.’’
Sina Eliz at Gino ay maiiyak sa tagpong iyon. (Itutuloy)