Dear Attorney,
May pamangkin po ako na nagtatrabaho sa BPO. July 2023 po siya na-hire pero kamakalawa ay nabigyan siya ng redundancy notice na nagsasabing last day na raw niya sa trabaho sa susunod na linggo. Puwede ba talagang magtanggal nang biglaan ang mga kompanya dahil sa redundancy? —Ricky
Dear Ricky,
Isa ang “redundancy” o pagkakaroon ng mga sobrang manggagawa sa mga tinatawag na “authorized causes” o mga dahilang pinapahintulutan ng Labor Code para sa pagtatanggal ng empleyado.
Bagama’t pinapayagan, kailangan pa rin ang mga sumusunod kapag nagtatanggal ng empleyado dahil sa redundancy: (1) written notice na ibinigay sa mga apektadong empleyado at sa DOLE ng hindi bababa sa 30 araw bago ang petsa ng kanilang pagkakatanggal sa trabaho; (2) may aktwal na kalabisan sa bilang ng empleyado at hindi lamang ginawa ang termination para makapagtanggal ng mga empleyado o upang makaiwas sa mga pananagutan ng kompanya o ng mga may-ari nito; (3) patas na criteria sa pagpili kung sinong mga empleyado ang tatanggalin at (4) ang pagbabayad ng separation pay sa mga natanggal na empleyado.
Ibig sabihin, hindi maaari ang pagbibigay ng redundancy notice isang linggo lang bago ang termination date. Maari itong maging basehan ng reklamo at puwedeng pagbayarin ng daños ang kompanya dahil sa hindi pagsunod sa tamang proseso sa pagtatanggal ng empleyado dahil sa “authorized cause” (SMC v. Aballa et al., G.R. No. 149011, 28 June 2005). Ito’y kahit pa mapatunayan na totoong sobra nga ang bilang ng mga empleyado at kinailangan talaga ng employer na magtanggal ng ilan sa kanyang mga manggagawa.