Wrong health info kalat sa social media

Kumakalat din sa social media ang mga kasinunga­lingan at maling impormasyon na merong kinalaman sa mga usaping pangkalusugan. Mga maling impormasyon na madaling paniwalaan kung hindi kikilatising mabuti tulad ng mga sinasabing panlunas o gamot sa ilang klase ng mga sakit. Meron pa ngang mga ganitong impormasyon na naninira sa ilang mga nakagisnang remedyo sa ilang partikular na kalagayang pangkalusugan pero meron pala itong ibinebentang produkto.

Paano malalaman  kung tunay o kasinungalingan ang impormasyong nakikita sa social media?  Isang public health expert na si Monica Wang ang nagbigay ng ilang tips na itinampok sa The Conversation at ibinahagi ng Popular Science para maging gabay ng mga konsiyumer.

Una, tingnan o alamin ang pinagmumulan ng impormasyon. Tukuyin ang kredibilidad ng impormasyon sa pamamagitan ng pagbusisi kung ang pinagkunan nito ay isang organisasyon o ahensiya ay marangal o kapuri-puri tulad ng World Health Organization, National Institute of Health o Centers for Disease Control and Protection.

Kabilang din sa mga mapapanaligang impormasyon iyong mga nagmumula sa mga medical o scientific institution o peer-reviewed study sa isang academic journal. Maging maingat sa mga impormasyong nagmumula sa mga sources na hindi kilala o merong kinikilingan.

Suriin ang kredensiyal ng awtor, ang kanyang kuwalipikasyon, kasanayan at mahahalagang professional affiliations para sa may akda o mga may-akda na nagpiprisinta ng impormasyon. Maging mapagmatyag kapag walang impormasyon hinggil sa awtor o may kahirapan itong beripikahin.

Pansinin ang petsa. Binabalangkas ang siyentipikong karunungan kapag merong lumalabas na bagong ebidensiya. Maaaring hindi lubhang “accurate” ang mga luma nang impormasyon. Hanapin sa mas malawak na larangan ang pinakabagong datos na nagbibigay ng konteksto sa mga lumabas na impormasyon.

Tingnan kung sinasang-ayunan ng iba ang lumabas na impormasyon.  Sumusuporta sa validity ng isang health information ang malakas na pagkakasundo at pagpapatibay dito ng mga eksperto at nang maraming siyentipikong pag-aaral. Maaaring mahirap paniwalaan at hindi mapapanaligan ang isang kaalamang pangkalusugang lumabas sa social media kung taliwas ito sa malawakang paniniwala ng mga dalubhasa at nagmula sa source na hindi kilala at hindi mapapanaligan.

Tandaan na ang mga mapanlinlang na mga impormasyon sa social media ay gumagamit ng mga panggulat na lengguwahe para gisingin ang damdamin at kunin ang atensiyon ng mga tao.  Maaaring hudyat ng eksaherasyon ang mga ginagamit na salitang “miracle cure”, “secret remedy”, o “guaranteed results.” Maging alerto sa tinatawag na conflict of interests at sponsored content.

Timbangin ang siyentipikong ebidensiya at anekdota o testimonya ng indibidwal na tao. Iprayoridad ang impormasyong dumaan sa mabusising pananaliksik tulad ng randomized controlled trials, peer review at validation.

Hindi dapat maging solong basihan sa pagdedesisyon sa mga usaping pangkalusugan ang personal na kuwento ng ibang tao.

Makipag-usap at sumangguni sa mga health professional hinggil sa mga health information na nakikita sa social media.

Kung duda sa health information na nakita sa social media, huwag itong i-“share” lalo na kung hindi ito beripikado at walang validity.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments