Sa inilabas na 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), kulelat ang mga estudyanteng Pilipino na edad 15 sa Math, Science at Reading Comprehension. Ilan sa dahilan ng pagiging kulelat ay ang kahirapan ng buhay, kulang sa nutrients ang kinakain, siksikan sa classroom at kakulangan nang mahusay na mga guro.
Sa inilabas namang report ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), kulelat din sa information and communications technology ang mga estudyante sa public school. Ang dahilan: kakulangan sa mga computer. Ayon sa UNESCO, kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na ang mga estudyante ay salat sa kagamitan gaya ng computers. Dahil sa kakulangang ito, hindi sila makasabay sa pag-aaral na may kaugnayan sa information technology.
Sa 2023 Global Education Monitoring (GEM) Report ng UNESCO, sinasabi na ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may positibong pananaw sa makabagong teknolohiya. Mahuhusay ang mga guro at madaling maka-adopt sa modern technology. Ganunman, sa kabila na may positibong attitude, hindi rin makaabante sa kaalaman ang mga estudyante dahil sa kakulangan ng computers na ginagamit. Karamihan sa mga estudyante na walang computers ay nasa rural areas. Bukod sa kakulangan ng computers at iba pang gadgets, hindi rin maka-access sa internet ang mga estudyante. Ayon sa report, 1 sa 2 estudyante sa Pilipinas ay walang access sa internet.
Kahanay ng Pilipinas sa kasalatan sa pagkakaroon ng computers ang mga estudyante sa Cambodia, Lao People’s Democratic Republic, Myanmar at Indonesia. Nabatid din ng UNESCO na ang mga estudyanteng naka-enroll sa private schools ay mataas ang digital skills kaysa sa mga naka-enrol sa public schools.
Gustong matuto ng mga estudyante sa larangan ng information and communications technology at ang mga guro naman ay may malawak na kaalaman sa larangan. Ang problema ay ang mga gagamiting computers. Sobrang salat ang mga mag-aaral sa kagamitan lalo ang nasa publikong eskuwelahan. Hindi masisisi kung mapag-iwanan ang mga estudyante sa public schools hindi lamang sa Math, Science, Reading Comprehension kundi pati sa information and communication technology.
Maraming isyu sa Department of Education (DepEd) na ang pinakakontrobersiyal ay ang intelligence fund na ginastos lamang sa loob ng 11 araw at hindi malaman kung saan ginastos. Mas mainam sana at kapaki-pakinabang kung ginastos ito sa pagbili ng mga computers para sa mga estudyante. Mas kapani-paniwala.