May habol ba sa nagsarang kompanya?
Dear Attorney,
Bigla pong nagsara ang company namin ngayong December dahil daw po sa bankruptcy. Nakatanggap naman po kami ng 13th month pay pero puwede ba kaming maghabol kahit sarado na ang company para sa aming separation pay? Salamat po. —Carina
Dear Carina,
aAng closure of business o ang pagsasara ng negosyo ang isa sa mga tinatawag na “authorized causes” o ‘yung mga pinahihintulutang dahilan para sa pagtatanggal ng empleyado sa ilalim ng Labor Code.
Bagama’t kailangang bayaran ng separation pay ang mga empleyado kung magsasara na ang negosyo, hindi ito kailangang gawin ng employer kung ang pagsasara ay dahil sa matinding pagkalugi at may sapat na patunay ang employer ukol dito (Reahs Corporation, et. al. vs. National Labor Relations Commission, et. al, G.R. No. 117473, 15 April 1997).
Ibig sabihin, pasan ng employer ang obligasyon na patunayang matinding pagkalugi ang naging dahilan nang tuluyang pagsasara ng negosyo kung sakaling magsampa ng reklamo ang mga empleyado.
Bukod dito, kailangan ding ipaalam ng employer sa DOLE at sa mga apektadong empleyado ang napipintong pagsasara ng negosyo isang buwan bago ang mismong petsa ng pagsasara.
May karapatan kayo sa separation pay kung hindi naman matinding pagkalugi ang dahilan ng pagsasara ng kompanyang pinagtatrabahuhan ninyo. Kung sakaling kayo ay magsampa ng reklamo, ang employer n’yo ang dapat magpatunay na bankruptcy nga ang naging sanhi ng closure o cessation of business.
Mahalaga rin na sinunod ng employer n’yo ang proseso ng pagpapadala ng karampatang notice sa DOLE at sa inyong mga empleyadong naapektuhan ng pagsasara ng kompanya dahil maari pa ring pagbayarin ng daños ang kompanya kahit pa mapatunayan nito na nararapat ang ginawa nitong pagsasara dahil sa matinding pagkalugi.
- Latest