SA tuwing may panukalang pagbabago, tiyak na may tututol. Kaya lang, ang pagbabago ang susi sa pag-unlad. Sabi ng American theologian na si Leonard Sweet, “Kung hindi ka magbabago, mamamatay ka.” Ito ang sitwasyong kinakaharap ngayon ng mga operator at drayber ng dyip. Nais isulong ng gobyerno ang programa sa modernisasyon ng mga dyip. Pero may mga tumututol.
Layunin ng programa na palitan ang mga lumang dyip na karamihan ay kakarag-karag at nagbubuga ng mapaminsalang usok para matiyak ang kaligtasan ng commuters at mapangalagaan ang kapaligiran laban sa polusyon. Batay sa programa, papalitan ang mga dyip na ito ng mga modernong dyip na bawat isa’y nagkakahalaga ng hanggang P2.8 milyon.
Bahagi ng programa ang konsolidasyon kung saan ang mga drayber at operator ng dyip ay kailangang magsama-sama sa isang kooperatiba. Ayon sa LTFRB, umaabot sa 80 porsyento ng mga drayber at operator ang nakabuo na ng kooperatiba. Hanggang sa huling araw na lamang ng Disyembre ng taong ito ang taning para sa konsolidasyon. Ang hindi makakatugon ay hindi na papayagang magbiyahe simula Enero 2024.
May natitira pang 20 porsiyento na tumututol sa pagbabago. Karaniwan ay ganito talaga ang persentahe ng mga tumatanggi sa pagbabago. Sana ay maamuki ng gobyerno na sumama na rin sa pagbabago ang 20 porsiyentong ito.
Ang siyentipikong si Albert Einstein ay nagsabi, “Ang kabaliwan ay ang paulit-ulit na paraan ng pagsasagawa ng isang bagay, pagkatapos ay umaasa ng ibang resulta.” Napapanahon na ang modernisasyon ng mga dyip, sapagkat marami sa mga ito’y gumagamit ng makinang ginawa noon pang ikalawang digmaang pandaigdig. Napakadelikado sa buhay at sa kalikasan! Ang mga kakarag-karag na dyip ay tinatawag ding “lumilipad na kabaong.”
May mga nagsasabi na ang dyip ang pinakamahal na sistema ng pampublikong transportasyon. Hindi dahil mahal ang yunit, kundi sapagkat kakaunti lamang ang naisasakay nito kumpara sa bus, mas maraming krudo, gulong at iba pang piyesa ang nagagamit, at higit sa lahat, umuukupa nang maraming espasyo sa lansangan na nagreresulta sa masikip na trapiko.
Para sa akin, kailangang isama rin sa programang modernisasyon ang pagsasaayos sa istilo ng pagmamaneho at pag-uugali ng mga drayber ng dyip na marami ay abusado, kaskasero, walang disiplina, at mapaglabag sa batas-trapiko. Sa halip na kortesiya, ang umiiral sa maraming drayber ay ang kultura ng panlalamang. Sila ang laging may “right of way,” sisingit kung makakasingit, bahala kang umiwas kung ayaw mong masagi. Ito ang dahilan kung bakit tinagurian silang “hari ng lansangan.”
Sapagkat pagmamaneho ang kanilang hanapbuhay, kailangang maging propesyonal ang mga drayber, hindi lamang sa uri ng lisensiya, kundi sa pagiging masunurin sa trapiko, pagiging magalang sa pasahero at maayos sa pananamit. Sa kanila mismo dapat magsimula ang pagbabago, pagbabago ng pag-uugali at pananaw sa buhay.
Hindi dapat katakutan ng mga drayber ang pagbabago. Ang katakutan nila’y kung walang magiging pagbabago, sapagkat iyon ay kasingkahulugan ng pananatili sa kasalukuyang kalagayan. Sabi ni dating UK Prime Minister Winston Churchill, “Upang umunlad, kailangan ang pagbabago; at para maging perpekto, kailangan ang madalas na pagbabago.” Sa halip na tigil-pasada, ang kailangang gawin ng mga drayber ay tigil sa pagtutol sa pagbabago.