Gintong Air Jordan na nagkakahalagang $10,000, natagpuan sa donation box!
ISANG homeless shelter sa Oregon, U.S. ang hindi makapaniwala nang may makita silang rare na Air Jordan na sapatos sa kanilang donation box!
Ayon sa isang opisyal ng Burnside Shelter, natagpuan nila ang mamahaling sapatos noong sino-sort out nila ang mga lumang damit at sapatos na inihulog sa kanilang donation box. Nagulat na lang ang kanilang mga volunteers nang may makita silang isang pares ng kulay gintong Air Jordan 3 sneakers.
Napag-alaman na ang sapatos ay “one-of-a-kind” o nag-iisang pares lang sa buong mundo dahil customized ito ng sikat na shoe designer na si Tinker Hatfield. Inanyayahan ng Burnside Shelter si Hatfield sa kanilang shelter upang inspeksyunin at kumpirmahin ang authenticity ng sapatos. Pinaunlakan ni Hatfield ang paanyaya at kinumpirma niya na original ang sapatos.
Ayon kay Hatfield, dinisenyo niya ang sapatos para sa Hollywood film director na si Spike Lee. Sinuot ito ni Lee noong umattend siya ng Oscar Awards noong 2019.
Bukod sa pagkumpirma ng authenticity, nag-provide din si Hatfield ng kahon para sa sapatos at naka-frame na pirma niya bilang pruweba na original ang sapatos.
Upang mapakinabangan ng Burnside Shelter ang natagpuang sapatos, ipapasubasta nila ito sa tulong ng Sotheby’s Auction House. Magsisimula ang bidding nito sa December 18 sa halagang $10,000 (katumbas ng P560,000) pero inaasahan na aabot sa $20,000 (P1.1 million) ang kikitain nito sa pagtatapos ng auction.
Hanggang ngayon, hindi pa maliwanag kung paano napunta ang mamahaling sapatos sa donation box.
- Latest