TUMATAAS ang bilang ng mga nagkakatrangkaso at nagkaka-COVID-19. Maski si President Ferdinand Marcos Jr. ay muling tinamaan sa ikatlong pagkakataon. Natapos na ang isolation period ng Presidente at maayos na ang kanyang kalagayan. Nagagawa na niya ang mga aktibidad. Kapansin-pansin ang pagsusuot niya ng face mask.
Ang nakababahala ngayon ay ang pagdami nang nagkakasakit sa China na kahawig umano ng influenza. Marami nang tinamaan sa China kaya punuan ang mga ospital doon. Karamihan umano sa tinatamaan ay mga matatanda at bata. Katulad na katulad ng trangkaso ang “misteryosong sakit” na kinapapalooban ng lagnat, ubo, sipon, pananakit ng ulo at katawan.
Kasunod nang pagkalat ng sakit sa China, biglang lumutang ang tinatawag na “walking pneumonia”. Hindi naman nabatid kung ang “walking pneumonia” na kumakalat sa bansa ngayon ay ito rin ang sakit na nananalasa sa China. Walang pagkumpirma ang Deparment of Health (DOH) sa “walking pneumonia” kung parehas nga sa nasabing bansa. Sabi ng DOH, mahigpit silang nakabantay sa nangyayari sa China.
Sabi ni DOH Undersecretary Eric Tayag, mycoplasma pneumoniae ang nagiging sanhi ng tinatawag na “walking pneumonia”. Ayon kay Tayag, ang ibig sabihin ng walking pneumonia, pag-inexray ang isang tao, meron nang findings sa chest x-ray niya. Pero naglalakad pa rin siya at walang nararamdaman. Hindi naman daw matindi ang sakit na ito. Kailangan lamang daw talaga ang pag-iingat lalo ngayong holiday season na kabi-kabila ang mga Christmas party. Dapat magsuot ng face mask para hindi magkahawahan. Pero sinabi rin niya na hindi pa rin mandatoryo ang pag-face mask.
Ganito rin naman ang sinabi ni infectitious expert Dr. Rontgene Solante na hindi pa naman kailangang magsuot ng face mask o gawing mandatory sa kabila nang pagdami ng “walking pneumonia” pero mas makabubuti na mag-face mask para makaiwas sa sakit lalo ang senior citizens at mga bata.
Pinakamaganda kung mag-iisyu ng kautusan ang pamahalaan na gawing mandatory ang pagsusuot ng face mask para hindi kumalat ang virus. Naghahatid ng pangamba ang pagkalat ng sakit sa China na walang ipinagkaiba sa COVID. Noong 2020, naging kampante ang pamahalaan at hindi naghigpit kaya nakapasok ang virus mula Wuhan at kumalat na.
Ipag-utos ang pagsusuot ng face mask lalo’t marami ngayon ang nagsa-shopping at kabi-kabila ang mga pagtitipon. Huwag nang hintayin pang magkahawahan at kumalat ang sakit. Wala namang masama kung sapilitan ang pagpi-face mask.