INARESTO ng Italian police ang isang barbero sa Italy matapos mabistong ginagamit nito ang kanyang barbershop bilang front sa kanyang drug dealing business.
Matagal nang nakakatanggap ng report ang mga awtoridad na may drug dealing activity sa Foce district sa Genoa City. Ngunit wala silang malakas na lead kung saan mismo nagaganap ang mga ilegal na aktibidad.
Dahil dito, naglunsad ang Forte San Giuliano police station ng mga surveillance team sa iba’t ibang bahagi ng Foce para matukoy kung nasaan ang bentahan ng droga.
Isa sa mga surveillance team ang nakapansin na may isang barbershop na paulit-ulit pinupuntahan ng mga customer na kalbo at walang balbas.
Sa imbestigasyon na isinagawa ng mga awtoridad, napag-alaman na ang karamihan sa mga customers ng naturang barbershop ay pumupunta lamang doon para sa droga. Ngunit may mangilan-ngilan din na nagpapagupit matapos bumili ng drugs.
Nang mapatunayan na drug dealer ang 55-anyos na barbero, agad ni-raid ang bahay nito at natagpuan na may ilang gramo ng hashish dito. Sa mismong barbershop naman nito natagpuan ang 100 grams ng cocaine at iba pang drug paraphernalia.
Sa kasalukuyan, nakakulong sa Marassi prison ang barbero at hinihintay ang kanyang sentensiya.