^

Punto Mo

Mailap ang kapayapaan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KAGIMBAL-GIMBAL ang nangyaring pambobomba kamakailan sa loob ng campus ng Mindanao State University.  Maliit lamang ang bilang ng casualty (4 ang nasawi, 50 ang sugatan), ngunit isa pa rin itong malaking trahedya sa dalawang kadahilanan—una, naganap ang pambobomba sa loob ng unibersidad ng gobyerno na itinuturing na isa sa pinakaligtas na lugar saanman; ikalawa, ginawa ang krimen sa panahon ng misang Katoliko, isang sagradong gawain na inaasahang igagalang ng sinuman.

Maaaring ang pambobomba ay kagagawan ng Dawlah Islamiya-Maute Group bilang pagganti sa sunud-sunod na pagkakapatay ng mga lider nito sa pakikipaglaban sa pwersa ng gobyerno.  May hinala rin na ang pambobomba ay may basbas ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS. Kung totoo ang hinala, maliit na halimbawa lamang ito ng pandaigdigang terorismo na gumagamit ng karahasan para takutin ang sibilyan upang maipagtagumpay ang isang layuning pulitikal o ideolohikal.   

Ayon sa Global Terrorism Index, bagamat bumaba ang bilang ng napapatay ng terorismo, dumami naman ang bilang ng mga bansang apektado nito. Labing-siyam na bansa ang lubhang apektado ng terorismo na isinasakatuparan ng labing-tatlong armadung-armadong grupo. Kapag idaragdag natin sa terorismo ang patuloy na labanan ng mga mamamayan sa loob ng isang bansa, ang giyera ng mga bansa laban sa ibang bansa, ang lumalalang karahasan at krimen kasama na ang cybercrimes, ang umiigting na girian ng mga bansang may sandatang nuklear, masasabi natin na lubhang napakailap ng kapayapaan sa buong mundo.

Mahigit sa 500 daang taon bago isilang si Hesus, ganito ang sinabi ni Propeta Isaias sa ­kanyang aklat, sa Isaias 6:14, “Sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan.”  Nakalulungkot na matapos na isilang si Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ay ganito pa rin ang isinisigaw ng mundo, “Walang kapayapaan!”

Bagamat wala tayo sa posisyon para pigilan ang mga giyera at terorismo, nasa posisyon naman tayo para simulan ang kapayapaan sa ating sarili mismo. Ang ugat ng lahat ng kaguluhan ay hindi naman ang terorismo o komunismo, kundi tayo mismo. Magagawa ng tao na patayin o yurakan ang karapatan ng kapwa kapag nangibabaw ang pagkamakasarili at pagkagahaman sa kayamanan at kapangyarihan.  Ang nasa sentro ng salitang SIN ay “I,” Ako.  Nangyayari ang kaguluhan kapag pinilit ng isang tao o grupo nang walang pagsasalang-alang sa iba ang “I” o Ako at Kami. Magsisimula lamang maitatag ang kapayapaan kapag ang sinasabi na ng mga tao ay Ikaw, Sila at Tayo.

Inihanda ni Juan Bautista ang daan para kay Hesus sa pamamagitan ng pagsigaw, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” Ang mga pangaral ni Hesus ay nabubuod sa iisang salita—pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos na ipinakikita sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa. Kay Hesus, kasama sa kapwa maging ang kaaway. Sabi Niya sa Mateo 5:43-44, “Narinig ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo.”

Kung seseryusohin lamang ng mga Kristiano mismo, at maging ng mga tagasunod ng ibang relihiyon, ang mga pangaral ni Hesus, maisisigaw natin, “Payapa ang lahat dahil may tunay na kapayapaan!”    

BOMBING

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with