ISANG siklista sa Alberta, Canada ang nakapagbisikleta ng may layong 80 miles na hindi hinahawakan ang handlebar ng kanyang bike!
Kinumpirma kamakailan ng Guinness World Records na ang cyclist na si Robert Murray ang bagong world record holder ng titulong “Greatest Distance Cycled (no hands)” matapos itong makapagbisikleta ng may layong 80.95 miles sa loob ng 5 oras at 37 minuto.
Sa panayam kay Murray, sinabi nito na kinaya niya ang magbisikleta ng halos 81 miles dahil sa tuwing magbibisikleta siya ay hindi naman talaga siya humahawak sa handlebar. Para kasi sa kanya, mas komportable at hindi siya nangangawit at nakukuba sa ganitong posisyon. Namamasahe rin niya ang kanyang binti kapag hindi siya nakahawak sa handlebar. Bukod dito, nakakapag-text, nakakainom siya ng tubig at marami pa siyang ibang nagagawa sa ganitong paraan ng pagbibisikleta.
Ginawa ni Murray ang record attempt na ito para maging fundraiser at makakalap ng pondo para sa Alzheimer’s Society of Calgary. Naisip niya na magandang pagsabayin ang Guinness World Record attempt at pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa Alzheimer’s habang nagbibisikleta.
Matapos mapagtagumpayan na makuha ang world record title na ito, balak naman niyang masungkit ang titulong “world’s largest ice cream party” sa susunod na taon.