ANG mga matataong lugar ang target ng mga terorista para makapagtanim ng bomba. Pinipili nila ang simbahan, bus, train station, palengke at eskuwelahan. Ito ang mga lugar na marami silang mapipinsala. Mas marami silang mapatay, mas maligaya sila—ganyan ang mga terorista na “uhaw sa dugo” ng kanilang kapwa.
Ganyan ang ginawa ng mga terorista noong Linggo ng umaga sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City. Nagsasagawa ng misa sa lugar nang isang improvised explosive device (IED) ang sumabog. Apat ang namatay at marami ang nasugatan. Ayon sa mga nakaligtas, iniwan ang IED sa silya.
Inako ng terrorist group Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang pagpapasabog. Ang ISIS ay kabilang sa mga teroristang nagsagawa ng siege sa Marawi City noong 2017, kasama ng Maute at Abu Sayyaf. Ang ISIS din ang sinasabing utak ng pambobomba sa Jolo Cathedral noong 2019.
Sabi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., ang pambobomba sa MSU ay paghihiganti ng mga terorista dahil sa sunud-sunod na operasyon ng militar laban sa mga ito sa Mindanao. Noong nakaraang linggo, 11 miyembro ng terorista ang napatay ng militar. Napatay din kamakailan ng military ang Abu Sayyaf leader na si Mundi Sawadjaan, na utak sa pambobomba sa Jolo Cathedral.
Sabi ng Philippine National Police (PNP, ang ginamit na IED ng mga terorista sa MSU ay walang ipinagkaiba sa device na ginamit sa mga nakaraang pambobomba sa Mindanao. Kahapon, sinabi ng PNP na mayroon na silang natukoy na suspect sa pambobomba. Hindi umano sila titigil hangga’t hindi nila nadadakip ang mga nasa likod ng karumal-dumal na bombing.
Paigtingin naman sana ng PNP at military ang kanilang intelligence gatherings. Nakapagtataka kung paano naipasok sa MSU ang IED. Nagkaroon ba ng mga pagluluwag sa seguridad?
Marami nang pambobomba na naganap sa bansa at isa sa hindi malilimutan ay ang Rizal Day bombing kung saan, apat na lugar ang binomba sa Metro Manila. Pinakamatindi ang pagbomba sa isang tren habang nasa LRT Blumentritt Station sa Maynila na ikinamatay ng 22 katao. Iniwan ang bomba sa upuan ng tren ng mga teroristang Abu Sayyaf.
Hindi lamang ang pulis at military ang dapat maging alerto at mapagmatyag kundi pati na rin ang mamamayan. Maging mapag-obserba sa mga nangyayari sa kapaligiran lalo sa mga kahina-hinalang bagay na iniiwan sa matataong lugar.