Simula Disyembre 1, pinupurga na ng Google ang mga e-mail account na matagal nang pinabayaan, hindi aktibo o hindi nagagamit. Tatanggalin na, buburahin, kakanselahin, o maglalaho na ang mga google account na dalawang taon nang nakatengga o hindi ginagamit katulad ng mga email, drive, calendar, meet, documents, video, photos at ibang produkto ng Google. Kung meron kang email address o Gmail account, tatanggalin na ito sa record ng Google kung hindi mo na ito nagagamit sa loob ng dalawang taon.
Hindi naman ito biglaang hakbang. Matagal nang sinasabihan at binabalaan ng Google sa pamamagitan ng mga email mula pa noong kalagitnaan taong ito ang mga gumagamit ng mga gmail account hinggil sa naturang hakbang na pangseguridad ang kadahilanan.
Sinasabi ng Google na ang mga abandonado o matagal nang hindi nagagamit na mga email account na Gmail ay merong 10 ulit na tsansang mapasok, ma-“hijacked” at masamantala ng mga masasamang elemento o cybercriminal tulad ng mga hacker. Hindi tulad ng mga aktibong account na gumagamit ng mga proteksyon tulad ng 2-step verification.
Kapag nakompromiso ang mga na-“hijacked” na account, maaaring magamit ito ng mga cybercriminal sa pagpapadala ng mga malware, spam o katulungin sa pagnanakaw ng mga sensitibong impormasyon.
Sinasabing ang mga e-mail account na hindi na binubuksan ay madalas umaasa sa password na luma o ilang beses nang nagamit, walang gaanong seguridad at two-factor authentication.
Matutukoy ng Google na aktibo pa ang isang account kung merong binabasa o pinapadalang email, gumagamit ng google drive, nanonood ng YouTube, nagda-download ng isang app mula sa Google Play store, gumagamit ng Google search, at nagsa-“sign in” sa Google para makapasok sa isang third-party-app o service.
Ayon sa mga kaugnay na ulat, uunahing tatanggalin ang mga account na hindi naman nagamit kahit kailan mula nang likhain ito. Kasunod dito ang marahan at maingat na pagkakansela sa iba. Pangunahin munang tinututukang purgahin ang mga personal na Google account. Walang peligro sa mga school, work at official organizational account at mga account na merong linked, active subscription plans na binuo sa pamamagitan ng mga news outlets o apps. Sa kasalukuyan, walang plano ang Google na burahin ang mga account na konektado sa YouTube videos at iba pa.
Sinasabi ni Oren Koren, CPO at co-founder ng cybersecurioty firm na Veriti, sa CNN na, sa pagtanggal ng mga lumang account, mapipilitan ang mga hacker na gumawa ng bagong account na isang hakbang na humihingi ng phone number verification. Bukod dito, matatanggal ang mga lumang data na maaaring naligwak sa data breach. Pinaliliit sa pagpupurgang ito ang pagkakataon ng mga cybercriminal na umatake.
Para hindi mawala ang isang email account, dapat nagla-“log in” ka para maka-“sign” sa iyong Google account o sa anumang Google service o magbasa ng email kahit isang beses sa loob ng dalawang taon. Maaari ring manood ng video sa YouTube o mag-“search”.
• • • • • •
Email: rmb2012x@gmail.com