Mang-aagaw ng kredito
SI Kuto ay nakasakay sa ulo ni Elepante. Dumaan sila sa isang tulay na yari sa kahoy. Palibhasa’y hindi konkreto, parang nililindol ang tulay habang naglalakad si Elepante. Natakot ang iba pang hayop na kasabay nila sa paglalakad sa tulay dahil pakiramdam nila ay babagsak ang tulay. Dulot nito ay nagkaripasan ng takbo ang mga nerbiyosong hayop.
Tawa nang tawa si Kuto na may kasama pang pangangantiyaw sa mga hayop na kumaripas ng takbo: “Mga duwag! Para ‘yun lang, natakot na!”
Ngumiti lang si Elepante. Sabi ulit ni Kuto, “Ang galing nating dalawa ano? Biruin mo, parang kulog ang ating mga yabag habang tumatawid tayo sa tulay! Ha-ha-ha-ha! ‘Tol, bigatin talaga tayo.”
Ang anekdotang ito ang naalaala ni Mary Ann nang “agawin” ng kanyang editor-in-chief na si Alisa ang kredito sa mga editoryal na kanyang isinusulat. Si Mary Ann ay literary editor at editorial writer ng kanilang diyaryo sa unibersidad na pinapasukan nila. Isang araw iyon na magkasamang kumakain ang dalawa sa fast food. May lumapit sa kanila na naging propesor pala ni Alisa.
“Congratulations, ang galing ng mga opinyon mo sa editorial na isinusulat mo. Lalo na yung editorial this week, ang galing.”
“Thank you Mam.”
Ang diyaryo nila sa campus ay once a week lumalabas. Napapansin ni Mary Ann, laging ina-assume ng mga tao na editor-in-chief ang sumusulat ng editorial. Okey lang iyon dahil hindi naman lahat ay nakakaranas magtrabaho sa diyaryo kaya hindi nila alam. Kaya lang ang ikinakalungkot niya ay hindi kinorek ni Alisa ang maling akala ng propesor. Sa halip ay “niyakap” at “inangkin” niya ang papuri na hindi talaga para sa kanya…kahit katabi niya ang tunay na writer ng editorials.
Buti pa ang kuto, isinama kahit paano si Elepante sa kredito nang sabihin nito na “Ang galing natin ‘no?”
- Latest