ISANG 35-anyos na lalaki sa Vietnam na limang buwan ng sumasakit ang ulo ang nagulat nang malaman na may nakabaon na chopsticks sa kanyang bungo!
Ayon sa report ng mga Vietnamese media, nagpa-admit sa Cuba Friendship Hospital sa Dong Hoi City, Quang Binh province ang hindi pinangalanang pasyente. Limang buwan na kasi itong nakararanas ng pagsakit ng ulo, pagkabulag at pagtulo ng fluid discharge sa ilong.
Isinailalim sa CT scan ang ulo ng pasyente at nalaman na mayroon itong tension pneumocephalus. Makikita sa CT scan images ng pasyente, may dalawang pahabang foreign objects na nakatusok sa ilong hanggang sa utak nito. Sa masusing pagsusuri, napag-alaman na ang foreign object ay isang pares ng putol na chopsticks.
Nang tinanong ng mga doktor kung paano ito nagkaroon ng chopsticks sa ulo, walang matandaan ang pasyente. Pero kalaunan, biglang natandaan nito na limang buwan ang nakararaan, nakipag-away siya sa isang bar at na-involve sa isang physical altercation. Dinala siya sa ospital noon pero walang nakitang malubhang injury ang mga doktor kaya agad din siyang pinauwi.
Upang matanggal ang chopsticks sa bungo ng pasyente, isinailalim ito sa endoscopic surgery at microsurgery. Inabot ng ilang oras ang maselan na operasyon bago nakuha ang chopsticks. Sa kasalukuyan, stable na ang kondisyon ng pasyente at nagpapagaling sa ospital.