May pera sa sirang laptop at cell phone

Kapansin-pansin sa Facebook ang mga anunsiyo ng ilang indibidwal o kompanya na bumibili ng mga sira at lumang computer, laptop, smartphone at iba pang electronic gadget. Walang lantarang paliwanag kung para saan o ano ang ginagawa nila sa nabibili nilang mga sirang gadget na ito. Maaaring meron silang mga paraan na makumpuni pa ang mga ito bago nila ibebenta bilang mga segunda manong produkto. Baka merong mga piyesa sa mga sirang electronic gadget na maaari pang mapakinabangan at magamit sa ibang bagay.

Nariyan din ang mga planta o kompanya na nasa negosyo ng recycling na ang mga luma at sirang bagay na itinuturing nang basura ay binibigyan ng bagong-bihis at anyo para mapakinabangan. Mababanggit din ang mga junk shop na bumibili ng mga sirang computer, laptop, kahit mga monitor at cell phone. Bakit pa nga nila binibili ito kung sira na at wala nang pakinabang?

Maaaring lingid ito sa kaalaman nang marami pero merong tila nakatagong kayamanan sa mga sira at lumang computer at smartphone na maaaring pagkakitaan kung mapagtitiyagaang likumin. Ito ang mga ginto na matatagpuan sa mga motherboard (circuit board) ng naturang mga gadget.  Ang mga gilid ng maraming bahagi ng motherboard ay merong mga gold contacts at connector na dinadaanan ng mga kable o kawad. Meron ding thin layers ng ginto sa surface ng motherboard.

Ayon sa Wikimedia Commons, sinasabi sa ilang mga report na ang isang lumang personal computer ay nagtataglay ng isang $9 worth of gold.  Tinataya ng ibang impormante na ang karaniwang computer ay naglalaman ng 1/5th gram na ginto na nagkakahalaga ng $12. Ang mga laptop ay merong 1/10th gram of gold na nagkakahalaga ng $6. Pero sinasabing ang halaga ay depende sa klase ng sirang gadget.

Kadalasan, ang mga kompanya sa ganitong negosyo ay nakatutok sa mga circuit board, CPU at motherboard  dahil ang mga ito ang may tendensiyang magkaroon ng highest grade na ginto. Ang Royal Mint nga halimbawa na official coin producer ng United Kingdom, ayon sa isang ulat ng BBC, ay kumokolekta ng mga sirang motherboard makaraang makatuklas sila ng paraan na makuha at mai-recycle ang mga laman nitong ginto.

Maraming gamit ang ginto tulad sa paggawa ng alahas, pera, computer, laptop, smartphone,  calculator, electric appliances, mga sasakyan, medicine, dentistry, aesthetic cosmetology, space exploration, food production, architecture and building materials at iba pa.

Kaya, kung tutuusin, hindi rin ganap na totoo na wala nang silbi ang mga sirang motherboard ng mga computer, laptop at cell phone na kadalasang hindi na nakukumpuni.  Puwede rin pala itong pagkakitaan ng pera dahil sa mga gintong nilalaman ng mga ito.

Pero, siyempre, kailangan nga lang marahil makapagparami ng makokolektang mga sirang motherboard para ito mapagkaperahan nang malaki. May mga kompanya sa ibang bansa na nangangailangan ng mga hilaw na materyales tulad ng mga ginto na nakukuha sa mga sirang computer, laptop o smartphone at kalimitang nag-iimport sila nito sa Asya.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments