^

Punto Mo

Panigan natin ang kapayapaan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

“SA giyera ay walang panalo, lahat ay talo,” minsan ay sinabi ito ni Neville Chamberlain, dating Prime Minister ng United Kingdom. Sa giyera ng matatanda, mga bata ang panguna­hing biktima. Halimbawa ay ang giyera sa pagitan ng Israel at ng Hamas sa Gaza Strip, isang teritoryo ng mga Palestino sa hangganan ng Egypt at Israel. Ayon sa mga ulat, simula nang sumiklab ang kaguluhan noong Oktubre, umaabot na sa 13,000 ang napapatay, karamihan ay mga batang Palestino.

Ayon kay UN Secretary General Antonio Guterres, simula noong 2017 ay ngayon pa lamang nangyari ang ganito karaming bata at sibilyan na napapatay sa isang giyera. Araw-araw ay madadagdagan pa ang bilang na ito hangga’t hindi nahahanapan ng solusyon ang giyera sa pagitan ng Israel at Palestine. May mga batang makaliligtas sa giyera, ngunit mga batang wasak ang puso’t kaluluwa. Dadalhin nila ang kirot, pait at ligalig ng giyera hanggang sa kanilang paglaki. Ang sinisira ng giyera’y hindi lamang gusali, kundi pagkatao ng tao; ang pinapatay ay hindi lamang buhay, kundi pag-asa.

Maraming malagim na giyera ang naitala sa kasaysayan. Ang ikalawang digmaang pandaigdig noong 1939 hanggang 1945 ay kumitil ng tinatayang 85 milyong katao. Ilan kaya ang mamamatay sakaling sumiklab ang ikatlong digmaang pandaigdig sa pagitan ng mga superpo­wers na may mga armas na nuklear na may kakayahang pumapatay ng libu-libo sa isang iglap? Nakakapangilabot isipin!

Natural ba sa tao ang pumatay at makipaggiyera sa kapwa? Hinahanapan ito ng sagot ng mga archeologists sa pamamagitan ng pagsusuri sa kasaysayan ng tao, base sa nahuhukay na mga kalansay at artifacts sa iba’t ibang lugar.  Hangga ngayon ay wala pa silang nahuhukay na ebidensya na walang pag-aalinlangang magsasabi na naturalesa ng tao ang pumatay at makipaggiyera.

Batay sa kasaysayan ng paglikha sa sangkatauhan na nasusulat sa Biblia, ang tao’y nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang wangis. Ganito ang sinabi ng Diyos, ayon sa Genesis 1:26, “Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis.”  Kalarawan tayo ng Diyos, hindi sa pisikal na anyo o kasarian, sapagkat walang anyo at kasarian ang Diyos, kundi sa kabutihan, kabanalan, pagiging malikhain, at kakayahang magmahal. Sa maikling salita, tayo’y likas na mabuti at hindi likas na masama.

Nilikha ang tao na kalarawan ng Diyos, pero binigyan ng karapatang mamili. Iyan ang pinagsimulan ng problema. Pinili ng unang tao na suwayin ang Diyos. Mula noon, naging pasaway ang tao. Ang giyera’y pagsuway sa naisin ng Diyos na paghahari ng kapayapaan.  Sa Biblia, ang kapayapaan ay ang tamang relasyon sa Diyos, sa sarili, sa kapwa, at sa kalikasan.  Ito ang tunay na konsepto ng kapayapaan na kung tawagin sa Biblia ay “Shalom.”

Naririto ang nais gawin ng Diyos, ayon sa Isaias 2:4, “Kanyang hahatulan ang mga bansa, at magpapasya para sa maraming tao; at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit; ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o matututo pa ng pakikidigma.”

Bilang mga tagasunod ni Hesus, hindi tayo panig sa Israel o sa Hamas. Tayo’y panig sa kapayapaan at laban sa anumang uri ng giyera!    

PEACE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with