ETO nga at habang papalapit ang holiday season siyang namang pagdami ng mga modus at scam na bumibiktima sa ating mga kababayan.
Pero unahin na natin ang ibinabala ng mga awtoridad na pagkalat ng mga pekeng pera, partikular ang P1,000 bills.
Dahil nga kasi sa ganitong panahon marami ang iikot na salapi na ito ang tinarget na maging estilo ng panloloko ng ilang sindikatong gumagawa nito.
Dapat na maging maingat at mapanuri.
Aba’y kahit pala ang bagong P1,000 bills ay napepeke na rin kaya kailangang makilatis nang husto.
Eto ang mga lugar kung saan ibinabala ng mga awtoridad na posibleng ipakalat ang pekeng pera kabilang nga rito ang matataong lugar, sa mga palengke o pamilihan at maging sa maliliit na tindahan.
Pwede umanong mabusisi ang pera sa pamamagitan umano nang paghawak, pagtingin at pagsilip at pagkilatis na diyan malalaman ang peke sa tunay.
Tandaan hindi lang mga pekeng pera ang dapat bantayan sa panahon ito.
Huwag agad-agad pahihikayat sa mga alok na investment baka imbes na ang hangad ninyong paglago ng inyong pera ay lalong madisgrasya.
Alam ng mga sindikato na bigayan ng 13th month at mga bonus sa mga empleyado kaya may nakalatag nang operasyon ang mga iyan. Huwag padala sa matatamis na pangako na kita at malamang ‘di na ninyo makita pa ang isinugal ninyong pera sa kanila.
Sa mga susunod na araw iisa-isahin natin ang ilan pang modus na posibleng umusbong ngayong holiday season. Ito’y para maging babala sa ating mga kababayan na tinatarget ngayon ng mga kawatan.