MALAKAS ang lindol na yumanig sa maraming lugar sa Mindanao noong Biyernes na ikinamatay ng pito katao. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), magnitude 6.8 ang yumanig sa General Santos City at Sarangani. Naitala ang sentro ng lindol sa kanluran ng Sarangani na may lalim na 10 kilometro at tectonic in origin. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), karamihan sa mga namatay ay nabagsakan ng pader at kisame.
Nakita sa CCTV ang pagkakagulo ng mga tao sa isang mall na nagtatakbuhan palabas. Mayroon ding mga nag-panic na hindi malaman ang gagawin. May mga nagsisigawan at nag-uunahan din na makalabas sa isang establisimento. Hindi malaman ng karamihan kung saan magkokober para makaiwas sa bumabagsak na bagay mula sa kisame. Hindi na nila naalala ang paalalang duct cover and hold kapag lumilindol. Sa halip na ganito ang gawin, nagtatakbuhan sila na mas delikado sapagkat maaring mabagsakan ng mga nabasag na salamin, kahoy, bato o hollowblock. Sa mga nakaraang insidente ng lindol, mas marami ang namamatay dahil sa pagpa-panic kaysa napinsala ng lindol.
Ang lindol ay kakambal na ng Pilipinas sapagkat napapaligiran ng “ring of fire” at mga aktibong bulkan. Walang pinipili ang lindol kaya nararapat na paghandaan ng mamamayan. Hindi katulad ng bagyo, biglang dumarating ang lindol na walang babala. Anumang oras, araw o gabi, posibleng tumama ang lindol.
Matagal nang sinabi ng Phivolcs na kapag lumindol sa Metro Manila na may lakas na 7.2 magnitude posibleng mamatay ang 34,000 katao at 114,000 ang malubhang masusugatan. Ayon sa Phivolcs, ang West Valley Fault ay may kakayahang mag-generate ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude at ito ang “Big One”. Pinag-aralan na umano ito noon pang 2004. Ang pag-aaral sa “Big One” ay nakasaad sa Earthquake Impact Reduction Study for Metro Manila na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Malaki ang posibilidad na tumama ang “Big One” sa Metro Manila. Ang tanong ay kung handa ba ang mga taga-MM sa pagtama ng “Big One”? May nakahanda na bang plano ang pamahalaan? Saan mag-e-evacuate ang mga tao kapag yumanig? Mayroon bang magga-guide sa mga tao kung saan pupunta o magdaraan in case tumama ang lindol?
Hindi handa ang mga tao at lalo ang pamahalaan sa pagtama ng lindol gaya ng nangyari sa Mindanao. Bukod sa paghahanda sa pagtama ng lindol, gawing regular ang pagdaraos ng earthquake drill sa school at mga tanggapang pribado at publiko. Mag-inspeksiyon din sa mga gusali para matiyak kung kakayanin ang lindol.