ISANG nakawalang leon na ilang oras sinubukang hulihin ng mga awtoridad sa Italy ang pinaghihinalaang sinadyang patakasin mula sa isang circus!
Noong 10:30 p.m. ng Nobyembre 12, nag-post ang mayor ng Ladispoli, Rome na si Alessandro Grando sa kanyang official Facebook page na nananawagan itong huwag munang lumabas ng kanilang tahanan ang mga mamamayan ng Ladispoli dahil may pagala-galang leon sa kanilang bayan.
Mapapanood sa videos na nilabas ng Italian media ang isang leon na naglalakad sa mga kalsada ng nasabing bayan.
Limang oras matapos magbigay babala sa Facebook, nag-post ng status update ang mayor na nagsasabing nahuli na ang leon. Nagpasalamat ito sa mga emergency services at volunteers na tumulong mahuli ang mabangis na hayop. Sa naturang Facebook post, ipinahayag din ng mayor na hindi na dapat gumagamit ng mga wild animals sa circus. Sinabi rin nito na walang pahintulot niya ang pagtatayo ng circus sa Ladispoli ngunit wala rin siyang kapangyarihan na paalisin ito.
Napag-alaman na ang nakawalang leon ay si “Kimba” isang 8 year old circus lion mula sa Rony Roller Circus. Sa panayam kay Rony Vassallo, ang may-ari ng circus, sanay sa tao si Kimba at hindi ito dapat katakutan. Nagpaliwanag din ito na ito ang unang beses na matakasan sila ng alagang leon matapos masira ang kulungan nito. Hindi na nagbigay detalye si Vasallo dahil kasalukuyan niyang pinaiimbestigahan sa mga pulis ang hinalang pananabotahe sa kulungan ng leon.
Si Kimba ay ipinanganak sa circus kasama ng kanyang mga kapatid na sina Zeus, Ivan at Maya. Ilang animal rights activists na ang tumutuligsa sa Rony Rollers Circus dahil sa kanilang mga leon.