Isang babae sa Falmouth, Massachusetts ang maling napadalhan ng mga scratch-off tickets na may halagang 20,000 U.S. dollars!
Habang iniisa-isa ni Danielle Alexandrov ang mga natanggap niyang parcel mula sa mga pinamili niya sa online shopping, nagulat siya nang mapansin na may isang kahon na hindi niya alam kung saan o kanino nanggaling.
Mabigat ang nasabing kahon at nang binuksan niya ito, nakita ni Alexandrov na ang laman nito ay ilang bundle ng mga scratch-off tickets ng Massachusetts Lottery. May kasama itong resibo at nakasaad doon na nagkakahalaga ng $20,000 ang mga tickets.
Tumawag si Alexandrov sa courier na naghatid sa kanyang bahay ng mga tickets at nalaman niya na maling naipadala sa kanya ang mga ito at pagmamay-ari ito ng Kenyon’s Market, isang grocery store, isang kalye ang layo mula sa tahanan ni Alexandrov. Malaki ang pasasalamat ng Kenyon’s Market kay Alexandrov matapos itong ibinalik sa kanila.
Ayon sa spokesperson ng Massachusetts Lottery na si Christian Teja, tama lamang ang ginawa ni Alexandrov. Dagdag ni Teja, kung sakali naman na napunta sa maling kamay ang mga scratch-off tickets, mawawalan ito ng value kung sakaling itago ang mga ito. Ipinaliwanag ni Teja na ang mga scratch-off tickets ng Massachusetts Lottery ay kailangan pang i-activate ng mga authorized retail agents.
Kung sakaling hindi ibinalik ang mga tickets at isa sa mga ito ang winning ticket, hindi makukubra ang premyo dahil hindi activated ang mga ito.