Lalaki, nagtanim ng saging sa gitna ng pangunahing lansangan sa Japan!
Isang lalaki sa Japan ang walang paalam na nagtanim ng saging sa gitna ng isang major road sa Kurume City at inabot ng dalawang taon bago ito napansin ng mga awtoridad!
Inutusan kamakailan ng mga awtoridad ng Kurume City, Fukuoka Prefecture ang hindi pinangalanang 50-anyos na lalaki na tanggalin ang tatlong puno ng saging na tinanim nito sa center island ng isang major road ng Kureme City.
Ilegal na itinanim ng lalaki ang mga puno ng saging dalawang taon na ang nakalipas ngunit ngayon lang ito napansin ng mga awtoridad matapos itong maging sagabal sa field of view ng mga motorista.
Naging madali para sa mga awtoridad na matukoy kung sino ang nagtanim ng mga puno dahil sa loob ng dalawang taon, consistent na dalawang beses sa isang araw binibisita ng lalaki ang kanyang mga puno para diligan. Agad ipinag-utos sa lalaki na tanggalin ang mga puno at kung hindi ito susunod, mahaharap siya sa isang taon na pagkakakulong o sisingilin ito ng multa na 500,000 yen.
Naging national news ang tungkol sa mga puno ng saging at sa araw ng pagtanggal sa mga ito, dinagsa ito ng mga iba’t ibang news crew mula sa mga major news network para i-cover ang tungkol dito.
Sa panayam sa lalaki, sinabi nito na naisipan niya na sa center island ng kalsada itanim ang mga puno dahil wala siyang sariling lupain para pagtaniman ng saging. Nakunan din ng mga news crew na kinain ng lalaki ang bunga ng kanyang puno kahit hilaw pa ang mga ito.
Dahil maraming nanghinayang sa mga puno, may 80-anyos na lolo na nag-volunteer ilipat sa kanyang garden ang dalawa sa mga puno. Ang ikatlong puno naman ay iniregalo ng lalaki sa kanyang kaibigan bilang birthday gift.
- Latest