ISANG teenager na pinagsama ang hilig sa scuba diving at pagma-magic ang nakatanggap ng Guinness World Record title!
Kinumpirma kamakailan ng Guinness World Records na ang 13-anyos na si Avery Emerson Fisher ang bagong world record holder ng titulong “Most Magic Tricks Underwater in Three Minutes”. Ito ay matapos siyang makapag-perform ng 38 magic tricks sa ilalim ng tubig sa loob ng tatlong minuto.
Naganap ang record attempt ni Fisher sa isang tunnel aquarium na nasa Aquarium of the Bay sa San Francisco, California, U.S.A. Naghanda si Fisher ng 50 magic tricks ngunit 38 lamang ang na-perform niya dahil sa time limit na three minutes. Nahigitan ni Fisher ang previous record ng British magician na si Martin Rees na 20 magic tricks noong 2020.
Natutong mag-scuba diving si Fisher noong siya ay 10-anyos pa lamang. Ngayong 13-anyos na, mayroon na siyang 12 scuba diving certificates at 30 beses nang nakapag-scuba diving.
Ginawa ni Fisher ang world record attempt upang ipalaganap sa mga tao ang awareness sa marine conservation.