Babae sa Nigeria na gumawa ng wig na may habang 1000 feet, nakatanggap ng Guinness World Record!

ISANG wigmaker sa Lagos, Nigeria ang nakapagtala ng bagong world record dahil sa ginawa nitong wig na mahigit sa 1000 feet ang haba!

Kinumpirma kamakailan ng Guinness World Records na ang wigmaker na si ­Helen Williams ang bagong record holder sa titulong “Longest Handmade Wig” matapos itong makabuo ng wig na may habang 1,152 feet and 5 inches.

Kung ikukumpara ang haba ng wig sa mga pamosong istruktura sa buong mundo, mas matangkad pa ito sa Eiffel Tower ng Paris, France. May taas ang Eiffel Tower na 984 feet.

Ayon kay Williams, inabot siya ng 11 araw at gumastos siya ng 2 million Nigerian Naira (katumbas ng PHP 131,000) sa paggawa ng wig. Upang mabuo ito, gumamit siya ng bicycle helmet, 1,000 bundles of hair, 12 cans of hair spray, 35 tubes of hair glue, at 6,250 hair clips.

Walong taon nang nagtatrabaho bilang professional wigmaker si Williams kaya niyang makagawa ng 50 hanggang 300 wigs para sa kanyang mga customers. Nagtuturo rin siya sa mga aspiring wigmakers sa kanyang bayan sa Lagos.

Pero sa kabila ng mga professional experience na ito, nahirapan pa rin siyang tapusin ang wig na ipinasa niya sa Guinness. Sa tulong ng mga kaibigan at pamilya, natapos niyang gawin ang wig at natanggap na niya ang certificate mula sa Guinness.

Sa kasalukuyan, nakatago ang world record holder na wig sa kanyang opisina at inilalabas niya ito kapag may kakilala o kaibigan na gusto itong makita.

Show comments